Ni: Charissa M. Luci at Roy C. Mabasa

Naghain kahapon si Eastern Samar Rep. Ben Evardone ng resolusyon na nag-uutos sa Department of Foreign Affairs (DFA) na gawin ang lahat ng paraan para mabawi ang tatlong kampana ng Balangiga mula sa gobyerno ng United States.

Sa House Resolution 1142, nanawagan si Evardone sa gobyerno ng Pilipinas na “persevere and take further steps” para mabawi ang Balangiga Bells.

Sa kabila ng pagpatibay ng Mababang Kapulungan sa mga resolusyon noong 15th at 16th Congress na nananawagan sa Amerika na ibalik ang Balangiga Bells ay wala pa ring nangyayari.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“It is about time that the bells are returned to the people of Eastern Samar to erase the last vestiges of the Philippine-American War, and thereby strengthen further the relations between the Republic of the Philippines and the United States of America,” giit ni Evardone.

Nangako naman ang pamahalaan ng United States na patuloy na makikipagtulungan sa mga Pilipino upang makahanap ng resolusyon at maibalik na sa Pilipinas ang mga pamosong kampana ng Balangiga na kinuha ng US Army mula sa bayan ng Balangiga sa Eastern Samar bilang tropeo sa digmaan ng mga Pilipino at Amerikano noong 1901.

“We are aware that the Bells of Balangiga have deep significance for a number of people, both in the United States and in the Philippines,” ipinahayag ng US Embassy sa Manila kahapon.

Naglabas ng pahayag ang US Embassy matapos muling banggitin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes ang mga kampana na pag-aari ng Pilipinas at bahagi ng national heritage ng mga Pilipino.

“Give us back those Balangiga bells. They are ours... Isauli naman ninyo. Masakit yun sa amin,” pahayag ng Pangulo.

Noong Setyembre 28, 1901, tinambangan ng Filipino freedom fighters mula sa bayan ng Balangiga ang Company C ng 9th US Infantry Regiment, habang nag-aalmusal, na ikinamatay ng 48 sundalong Amerikano at ikinasugat ng 22.

Bilang ganti, iniutos ni General Jacob H. Smith ang indiscriminate retaliatory attack —”kill everyone over the age of ten” at gawin ang Samar island na isang “howling wilderness.”

Mula sa sinunog na simbahang Katoliko sa bayan, tinangay ng mga Amerikano ang tatlong kampana, at dinala sa US bilang pabuya sa kanilang tagumpay sa digmaan.

Dalawa sa tatlong kampana ang naka-display ngayon sa F.E. Warren Air Force Base sa Wyoming. Ang ikatlo ay nasa 2nd Infantry Division Museum sa Camp Red Cloud, Uijeongbu sa South Korea.