Ni Genalyn D. Kabiling

Naglaan ang gobyerno ng P271.9 bilyon upang protektahan ang seguridad, kaayusan at kaligtasan ng mga Pilipino, habang binabantayan ang karagatan ng bansa, alinsunod sa panukalang 2018 national budget.

Ipinanukala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalaan ng P140.4 bilyon sa pagpapaigting ng kakayahan ng militar laban sa mga kaaway, at P131.5 bilyon para sa pagpapatuloy ng kampanya ng pulisya kontra droga at krimen.

Isinumite ng Pangulo sa Kongreso ang panukalang P3.767-trilyon national budget ilang oras makaraang ilahad ang kanyang State-of-the-Nation Address (SONA) nitong Lunes.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

“We will allocate P140.4 billion to beef up the military capability of the Armed Forces of the Philippines,” ani Duterte. “Of the amount, P25 billion is for the Revised AFP Modernization Program to fund the procurement of armaments, surveillance, mobility, and communications equipment necessary to maintain peace and order.”

Sinabi pa ng Pangulo na bibigyan naman ang Philippine Coast Guard (PCG) ng P3.1 bilyon upang i-upgrade ang kakayahan nito sa pagpapatrulya sa karagatan at mga baybayin ng bansa.

Bukod sa P131.5 bilyon para sa PNP, nagkaloob pa ang gobyerno ng hiwalay na P900 milyon para sa Oplan Double Barrel Reloaded kontra droga.

‘VERY STRONG ARMED FORCES’

Binanggit din ng Presidente ang plano niyang mag-hire ng 40,000 sa militar at pagbili ng mga drone at iba pang kagamitan upang matugunan ang “future threats” sa seguridad ng bansa.

“I would need about 35-40,000 to meet the future threats coming our way from within and outside the country,” sinabi ni Duterte sa mga mamamahayag matapos ang kanyang SONA.

“I will prepare my Armed Forces on war footing kasi may giyera,” dagdag pa niya. “You can expect after two years a very strong Armed Forces. I will buy all the equipment.”

P1B PARA SA OFWs

Kasabay nito, naglaan din ang Pangulo ng mahigit P1 bilyon para ayudahan ang mga overseas Filipino workers, sa layuning protektahan ang mga karapatan at kapakanan ng mga ito.

“They are our heroes…That is why to ensure that their rights are protected, I ordered the increase of our assistance to the OFW from P400 million to more than P1 billion,” sabi ni Duterte.

Inilunsad kamakailan ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang identification card system upang mapabilis ang access ng mga OFW sa mga serbisyo ng pamahalaan, bukod pa sa may pinaplanong OFW bank, na inaasahang mailulunsad ngayong taon.

NAT’L ID SYSTEM

Inaasahan na rin ang nalalapit na pagpapatupad ng national identification system, makaraang bigyan ng go-signal ng Presidente ang proyekto sa paglalaan ng P2 bilyon para masimulan na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang “biometrics-based national ID system.”