Ni: Beth Camia
Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang dalawang petisyon na humihiling na atasan ng hukuman ang Kamara de Representantes at Senado na magdaos ng joint session para talakayin ang Proclamation No. 216 o deklarasyon ng martial law sa Mindanao ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 23, 2017.
Sa regular en banc session kahapon, nagkaisa ang 15 mahistrado ng Korte Suprema sa botong ibasura ang consolidated petition ng grupo nina Atty. Alexander Padilla, Senador Leila de Lima, dating senador Wigberto Tañada at mga obispong Katoliko.
Kumbinsido ang 13 mahistrado na walang grave abuse of discretion ang Kongreso nang hindi ito magdaos ng joint session para pagtibayin ang PD 216, dahil walang nakasaad sa Section 18, Article 7 ng 1987 Constitution kailangan ito kung ang layunin ay para pagtibayin ang martial law declaration.
Ayon sa SC, gagawin lamang ang joint session kung ipawawalang-bisa o palalawigin ang batas militar at suspensiyon ng privilege of the writ of habeas corpus.
Sinabi naman ng dalawang mahistrado, sina Justices Benjamin Caguioa at Marvic Leonen, na moot and academic na ang kaso makaraang magpasya ang Kongreso na palawigin ang martial law hanggang sa Disyembre 31, 2017.
Ang desisyon ng SC sa kaso ay isinulat ni Associate Justice Teresita De Castro.