Ni: Liezle Basa Iñigo
SAN CARLOS CITY, Pangasinan - Dahil sa malakas na ulan, isang bangka ang tumaob sa Agno River sa Barangay Bocboc sa San Carlos City, Pangasinan, na nagresulta sa pagkamatay ng isang 18-anyos na estudyante, isa ang nakaligtas, habang pinaghahanap ang isa pa.
Kinilala ni Supt. Nestor Cusi, hepe ng San Carlos City Police, ang nasawi na si Adrian Wyeth Carl Dela Cruz, 18, college student, taga-Bgy. Bocboc, makaraang lumutang ang bangkay kahapon ng umaga, habang nakaligtas naman si Rico Sudio, 21, ng Bgy. Bocboc, San Carlos City.
Habang sinusulat ito ay pinaghahanap pa si Jordan Muñoz, 19, pintor, ng Bgy. Isla, San Carlos City.
Ayon sa report, sakay sa bangka ang tatlo at pauwi na mula sa bayan ng Aguilar nang tumaob ang sinasakyan ng mga ito dakong 4:00 ng hapon nitong Lunes, sa kasagsagan ng malakas na ulan.