Ni: Reggee Bonoan
KAYA na talagang magdala ni Awra Briguela ng sariling programa, nakakuha agad ng rating na 28.8% sa nationwide ang unang episode ngWansapanataym Presents Amazing Ving nitong Linggo, Hulyo 23 kumpara sa katapat nitong programa sa ibang TV network na 18.5% lang base sa data ng Kantar Media.
Trending din ito sa social media sa rami nag-tweet na supporters ni Awra na may official hashtag na palabas na #WansaAmazingVing.
Nakilala na ng mga manonood ang batang si Ving at ipinakita ang kanyang kabutihan, kagandahang asal at pagtulong sa kapwa. Pero agad siyang humarap sa pagsubok nang patayin ni Reptilya (Bianca Manalo) ang kanyang inang si Soffy (Carmi Martin) habang patungo sila sa isang outreach program. Muntik na ring malagay sa panganib ang kanyang buhay pero sa tulong ni Super Bing (Ellen Adarna), nailigtas si Ving mula sa kapahamakan.
Inaabangan ang pagiging ganap na tagapagligtas ni Ving, magsisimula ito kapag nagkaroon ng matinding labanan sina Super Bing at Reptilya na mag-uudyok sa superhero para ipagkaloob ang mahiwagang bato sa binatilyo.
Kasama rin sa cast ng serye sina Kisses Delavin, Marco Gallo, AC Bonifacio, at Ria Atayde mula sa direksiyon ni Alan Chanliongco handog ng Dreamscape Entertainment.
Napapanood ang Wansapanataym Presents Amazing Ving tuwing Linggo sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa past episodes ng programa, pumunta lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.