SA gitna ng napakaraming pagbabago at mahahalagang pangyayari sa ating bansa sa ngayon, malaking ginhawa ang mapaalalahanan tayo tungkol sa makasaysayang kabanata sa ating buhay Pilipino at kultura na nakatutulong upang higit na maging malapit ang bawat isa sa atin. Kabilang dito ang mga national holiday na ipinagdiriwang natin bawat taon.
Nakatala sila sa Presidential Proclamation 269 na nilagdaan ni Pangulong Duterte nitong Hulyo 17.
Ilan sa mga holiday na ito ay ipinagdiriwang din sa daigdig, gaya ng Bagong Taon tuwing Enero 1, at ang araw na walang pasok bago iyon, ang Disyembre 31, Bisperas ng Bagong Taon. Habang umiikot ang planeta patungong silangan, isa-isang sinasalubong ng mga bansa ang Bagong Taon, isang bagong simula, kaakibat ang lahat ng pag-asa sa ating puso.
Isang linggo bago ang Bagong Taon ay una nating ipinagdiriwang ang Pasko, Disyembre 25, ang pinakapaboritong holiday ng mga Kristiyano na bumubuo sa malaking bahagi ng mamamayan sa ating bansa, sinasalamin ang pamana sa atin ng mga Espanyol at mga Amerikano. Nag-uumapaw sa mga mananampalataya ang mga Simbahang Katoliko para sa Misa de Gallo tuwing Bisperas ng Pasko, Disyembre 24, isa pang araw ng bakasyon sa ating opisyal na kalendaryo.
Maraming iba pang holiday ang mga Kristiyano at mga araw na walang pasok sa kalendaryo—ang Todos los Santos sa Nobyembre 1, Huwebes Santo sa Marso 29, Biyernes Santo sa Marso 30, Sabado de Gloria sa Marso 31, pawang sa Semana Santa kung kailan mistulang tumitigil ang galaw ng buhay para sa ating mga Pilipino, at pagkaluluwag ng mga lansangan sa Metro Manila, dahil marami ang nagsisiuwian sa mga lalawigan upang doon gunitain ang Mahal na Araw.
Nangunguna sa mga holiday na nagdiriwang sa ating pagiging bansa ang Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, pagkatapos ng Araw ng Kagitingan ng Abril 9, na susundan naman ng Araw ng mga Bayani sa Agosto 27, Bonifacio Day sa Nobyembre 30, at Rizal Day sa Disyembre 30. Ang mga huling holiday na nadagdag sa mga ito ay ang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution tuwing Pebrero 25, at Ninoy Aquino Day tuwing Agosto 21.
Ang mga Muslim sa Mindanao ay mahalagang bahagi ng kasaysayan at kultura ng Pilipinas, at nagpapalabas ng mga espesyal na proklamasyon ang presidente ng bansa para sa mga Muslim holidays, gaya ng Eid al Adha at Eid’l Fitr, na ang mga petsa ay ibabatay sa tutukuyin ng mga relihiyosong pinuno na pagsilay ng buwan.
Kabilang din sa mga holiday sa Pilipinas sa 2018 ang Chinese New Year sa Pebrero 16, bilang pagkilala sa maraming Filipino-Chinese sa ating populasyon, bukod pa sa ngayon ay malapit nating ugnayan sa China dahil sa administrasyong Duterte.
Sinasabing napaaga ang paglalabas ngayong taon ng presidential proclamation tungkol sa mga opisyal na holiday para sa 2018, upang mas maaga na ring makapagplano ang mga nais magbiyahe at magbakasyon sa susunod na taon. Gayunman, may mas malalim pa itong dahilan. Ang mga okasyon at selebrasyon ang higit na mahalaga sa atin bilang bansa, na ang ilan ay ipinagdiriwang din sa mundo, habang ang ilan naman ay higit na nagpapakilala sa atin bilang mga Pilipino.