Ni ALI G. MACABALANG, May ulat ni Yas D. Ocampo

COTABATO CITY – Walumpu’t apat na dating miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan, karamihan ay kabataan, ang sumailalim sa serye ng psychosocial sessions at nag-aral ng pagsasaka upang makapagsimulang muli sa buhay, sinabi kahapon ng Bureau of Public Information (BPI) ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Karamihan sa 84 ay kabataan—teenager hanggang wala pang 25 anyos. Labing-isang taong gulang ang pinakabata sa kanila, at na-recruit sa ASG noong siya ay siyam na taong gulang pa lamang.

Ang reformation program ay inisyatibo ng ARMM, sa pakikipagtulungan ng 4th Special Forces Battalion (4SFB) at ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Basilan, ayon sa BPI.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Grupo-grupong sumuko ngayong taon ang 84 na dating mandirigma ng Abu Sayyaf, dahil sa paghimok ng mga lokal na opisyal o sa pressure ng tuluy-tuloy na operasyon ng militar sa isla.

Bago makatanggap ng ayudang pangkabuhayan mula sa gobyerno, sumailalim ang 84 na dating terorista sa anim na araw na psychosocial session at kinumpleto ang kurso sa pagsasaka nitong Hulyo 19-24 sa headquarters ng 4SFB sa Isabela City, ayon sa BPI.

Ang pinuno ng Abu Sayyaf na si Isnilon Hapilon ang napiling emir ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Southeast Asia, at siya ring namuno sa pagsalakay sa Marawi City, Lanao del Sur, kasama ang Maute Group, noong Mayo 23.