Ni: Mars W. Mosqueda, Jr. at Mary June Villasawa
CEBU CITY - Umabot sa 300 pamilya ang nawalan ng tirahan nang sumiklab ang sunog sa isang mataong barangay sa Cebu City, nitong Lunes ng hapon, ayon sa Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Ayon kay CDRRMO head Nagiel Banacia, tinupok ng sunog sa Sitio Baho, Barangay Calamba, ang 218 bahay ng 309 na pamilya o 1,355 katao.
Natanggap ang alarma ng sunog bandang 12:14 ng tanghali at idineklarang general alarm dakong 1:39 ng hapon ni Bureau of Protection (BFP)-Region 7 Chief Samuel Tadeo.
“Almost all of the fire incidents we’ve responded were cause by electrical misuse. We have to be very conscious with our appliances and make sure that they are disconnected from the main outlets before we leave home,” pahayag ni Tadeo.
Pansamantalang namamalagi ang mga nasunugan sa barangay hall at sa sports complex.
Makalipas ang halos tatlong oras makaraang maapula ang sunog sa Bgy. Calamba, isa pang sunog ang tumupok sa 150 bahay sa Bgy. Subangdaku sa Mandaue City.
Nagsimula umano ang sunog sa bahay ng isang Juana Rackan, ayon kay Tadeo.
Base sa inisyal na imbestigasyon, ang sunog ay sanhi ng dulot ng electrical wiring. Tinataya sa P1.5 milyon ang kabuuang pinsala ng sunog.