Ni ROY C. MABASA
Ang Tubbataha Reefs Natural Park, isang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) World Heritage Site, ay itinuturing na ngayon na Particularly Sensitive Sea Area (TRNP-PSSA).
Ito ay matapos aprubahan ng Marine Environment Protection Committee (MEPC) ng International Maritime Organization (IMO) ang aplikasyon ng Pilipinas para italaga at pagtibayin ang MEPC Resolution sa TRNP sa Sulu Sea PSSA.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, pinagtibay sa 71st session ng Committee ang resolusyon noong Hulyo 7 para aksiyunan ang rekomendasyon ng Technical Group sa PSSAs.
Sa pagpapatibay ng resolusyon, sinabi ng DFA na binigyang-diin ng MEPC 71 ang “ecological criteria, in particular the criteria relating to uniqueness or rarity, naturalness, diversity and fragility criteria, and the socio-economic and scientific criteria of the Tubbataha Reefs Natural Park as well as its vulnerability to damage by international shipping activities and the steps taken by the Philippines to address that vulnerability.”
Sa resolusyon na itinatalaga ang rehiyong nakapaligid sa TRNP bilang PSSA, iniimbitahan ng MEPC ang mga gobyernong kasapi ng IMO na kilalanin ang ecological, socio-economic at scientific criteria ng Tubbataha Reefs Natural Park area gayundin ang kahinaan nito sa mga pinsala na idudulot ng mga aktibidad ng mga barko.
Nauna rito, pinagtibay ng MEPC 71 ang rekomendasyon ng IMO Maritime Safety Committee na inaaprubahan ang TRNP area bilang Area To Be Avoided (ATBA) ng lahat ng uri ng barko na may kargang 150 tonelada pataas.
Sinabi ng DFA na layunin ng ATBA na mabawasan ang panganib ng pinsalang maaaring idulot ng pagsadsad ng barko at polusyon ng international shipping activities, maprotektahan ang natatangi at nanganganib na species ng reef, at mapreserba ang critical habitat at diversity nito.
Magkakabisa ang ATBA sa Enero 1, 2018.
Ang Tubbataha Reefs Natural Park ay matatagpuan sa gitna ng Sulu Sea, sa loob ng Coral Triangle, isang lugar na mahalaga sa biological at marine diversity. May lawak itong halos 97,030 ektarya, at tirahan ng mahigit 350 uri ng corals, 500 uri ng isda, at isa sa iilang nalalabing kolonya ng breeding seabirds sa rehiyon.