Ni: Celo Lagmay

TUWING tayo ay dinadalaw ng mga kalamidad, maging ito ay likha ng kalikasan o kagagawan ng tao, nagkukumagkag ang halos lahat ng sektor ng sambayanan sa pagsaklolo sa mga biktima ng kapahamakan. Wala silang humpay sa pagbuhos ng mga relief goods, salapi at maging ng mga materyales sa pagpapagawa ng mga bahay na winasak ng lindol, bagyo, baha at maging ng pambobomba at panununog, tulad ng ating nasasaksihan sa digmaan sa Marawi City na nilalahukan ng ating mga sundalo at pulis at ng mismong mga teroristang Maute Group.

Subalit nakapanlulumong mabatid na may ilang sektor ng ating mga kababayan na nagsasamantala sa gayong nakapanghihilakbot na sitwasyon. Nadismaya ako nang matunghayan ko sa mga ulat na may mga nangangalap ng mga relief goods at iba pang anyo ng tulong na hindi naman umano nakararating sa mga dapat saklolohan. Sinasabing isinasangkalan pa ng naturang grupo ang ilang parokya kaakibat ng paniniyak na sila ay may matinding pagmamalasakit sa mga biktima ng kalamidad na sadyang nangangailangan ng tulong. Nais nilang palabasin na mismong ang ating gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay mistulang inutil sa pagtugon sa mahigpit na pangangailangan ng mga kapatid nating biktima ng kalamidad. Ang ganitong impresyon ay lumutang sa nakagigimbal na sitwasyon ngayon sa Marawi City na mistulang “wasak na siyudad” dahil nga sa digmaan na walang katiyakan kung kailan magwawakas.

Masyadong matindi ang pangangailangan ngayon ng mga kapatid nating Muslim na nagdurusa sa mga evacuation centers; bukod sa mga pagkain at pananamit, kailangan nila ang mga medisina para sa iba’t ibang karamdaman. May ulat na 40 biktima ang dumaranas ng matinding sakit na likha ng problema sa sanitasyon ng kapaligiran.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi lamang ngayon, kung sabagay, nalantad ang nabanggit na mga ulat. Noong super-typhoon Yolanda, halimbawa, may nakadidismayang mga ulat na nagkaroon ng tiwaling pangangalap ng relief goods at salapi ang ilang pribadong organisasyon at iba pang... foundation. Halos mag-unahan sila sa pagtulong sa mga biktima subalit may kaakibat na masakim na hangaring pasikatin ang kanilang organisasyon; ariin ang bahagi ng kanilang nakakalap na tulong sa halip na ibuhos lahat sa kaawa-awang mga calamity victims.

Pati ang mga tulong na nagmumula sa ibang bansa – salapi, imported clothing at iba pa – na tinatanggap ng DSWD ay sinasabing naglalaho at napapalitan at ibinebenta sa mga pamilihan. Ibig sabihin, pinagsasamantalahan ang mga panaklolo at pinagkakakitaan.

Ang gayong mga pagmamalabis na kagagawan ng ating mga palalong kababayan ay dapat pagtuunan ng pansin ng Duterte administration na determinado sa paglipol ng mga katiwalian, kabilang na ang masakim na pagmamalasakit na walang puwang sa isang malinis na gobyerno.