Ni: Mary Ann Santiago

Isang babae na sinasabing sangkot sa “rent-sangla” modus operandi, na nag-o-operate sa Metro Manila at Region 4A, ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isang casino sa Ermita, Maynila, iniulat kahapon.

Kinilala ni MPD Director Police Chief Supt. Joel Coronel ang suspek na si Ma. Socorro Gracia McShane, 54, ng 383-B DF F. Roxas Street, 9th Avenue, Caloocan City.

Ayon kay Police Senior Insp. Fernildo de Castro, hepe ng Anti-Carnapping Investigation Section ng MPD, inaresto si McShane sa Casino Filipino, na matatagpuan sa A. Mabini St., kanto ng Pedro Gil St., dakong 7:45 ng gabi kamakalawa.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Siya ay inireklamo ni Jomar Pergis, 33, operator ng Grab at Uber, at residente ng Delilah St., sa Barangay Sta. Ana Exodus, Floodway sa Taytay, Rizal.

Sa reklamo ni Pergis, nabatid na noong Hulyo 16 ay nagpakilala sa kanya si McShane bilang si Divina Aniciete, negosyante na nagmamay-ari ng Villa Aniciete Resort sa San Juan, Batangas.

Nirentahan umano ni Aniciete ang kanyang Toyota Innnova (ABL-4623), ngunit nang makuha ang sasakyan ay hindi na niya ito matawagan.

Kamakalawa, nakatanggap ng impormasyon si Pergis na namataan ang kanyang sasakyan sa isang casino sa Maynila, at agad humingi ng tulong sa MPD-AnCar.

Agad hinanap ng awtoridad ang sasakyan at natagpuan ito sa nasabing casino at tuluyang inaresto si McShane.

Nakumpiska mula sa suspek ang iba’t ibang pekeng identification (ID) card na hinihinalang ginagamit nito sa ilegal na aktibidad.