Ni: Jaimie Rose Aberia at Mary Ann Santiago

Arestado ang isang pulis na umano’y nagpaputok at nakasugat ng isang kustomer sa loob ng isang videoke bar sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

cop copy copy

Kinilala ang inaresto na si SPO2 Ryan Marcelo, nakatalaga sa Manila Police District Headquarters Support Unit, na lasing na nang magtungo sa Butch Videoke Bar, dakong 12:30 ng madaling araw.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ayon sa isang saksi, binati si Marcelo at kanyang kabaro na si PO2 Ramada Mupa ng mga kapwa customer na sina Julius Ceasar Faustino at Augustus Faustino na umano’y nagsabing, “Andito pala kayo, isang putok naman diyan.”

Agad binunot ni Marcelo ang kanyang baril at nagpaputok sa sahig, na tumalbog at tumama sa 37-anyos na si Charlito Tismo.

Gayunman, sinabi ni MPD General Assignments and Investigation Section (GAIS) head Chief Inspector Joey De Ocampo na itinanggi ni Marcelo na pinaputok niya ang kanyang baril.

“Ayon sa kanya, sinalo niya ‘yung baril niya dahil nalaglag kaya lang aksidenteng nakalabit niya kaya pumutok,” ayon kay De Ocampo.

Iniimbestigahan na kung ang sugat ni Tismo sa leeg ay sanhi ng bala.

Mahaharap si Marcelo sa mga kasong alarm and scandal at slight physical injury.