Nina JUN FABON at CHITO CHAVEZ, May ulat nina Liezle Basa Iñigo at Jel Santos
Hindi man binagyo, inulan naman ng protesta ng iba’t ibang militanteng grupo ang ikalawang State-of-the-Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, upang igiit ang anila’y mga napakong pangako ng Pangulo.
Sabay-sabay na nagmartsa sa Commonwealth Avenue ang mga kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Sanlakas, at Partido ng Lakas ng Masa (PLM) patungo sa mga tanggapan ng Bureau of Internal Revenue, upang tuligsain ang panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Program (TRAIN); ng National Housing Authority (NHA) para igiit ang disente, abot-kaya, at ligtas na pabahay; at ng Department of Natural Resources, upang manawagang itigil ang lahat ng proyektong may kaugnayan sa coal.

Giit ng mga militante, pagbabago pa rin ang kanilang isinisigaw dahil wala pa umanong tinupad si Pangulong Duterte sa mga ipinangako nito, kabilang na ang pagbibigay-tuldok sa contractualization.
‘DI NA SUPPORT RALLY
Samantala, mapayapang dumating ang Bayan Muna, sa pangunguna ng secretary general nitong si Renato Reyes, sa footbridge ng IBP Road, may 250 metro ang layo sa Batasang Pambansa Complex.
Kung support rally ang idinaos ng Bayan Muna sa unang SONA ni Duterte noong nakaraang taon, protesta na ang hatid nila ngayon sa Pangulo, ayon kay Reyes.
“Marami hong problemang kinakaharap ang bansa natin kaya protesta ang ating ihaharap ngayon sa Pangulo, at nais nating talakayin ‘yung totoong kalagayan ng bansa na malamang ay hindi matatalakay sa loob ng Kongreso,” ani Reyes.
Aniya, igigiit din ng Bayan Muna sa Pangulo ang pagpapatuloy ng peace talks sa mga rebelde, maayos na reporma sa lupa, libreng edukasyon at pabahay, at iba pa.
Kabilang sa libu-libong raliyista ang nasa 200 kasapi ng Bayan-Pangasinan na dumayo pa sa Quezon City para igiit ang tunay na reporma sa lupa at pagpapatigil sa conversion ng mga taniman.
Sinabi ni Eco Dangla, tagapagsalita ng Bayan-Pangasinan, na labis din nilang tinututulan ang pinalawig na batas militar sa Mindanao, at ang anila’y kabi-kabilang human rights violations, na mahihirap lamang ang nabibiktima.
QCPD: 11,000 ANG DUMAGSA
Kumpirmadong nasa 6,300 pulis, na walang baril at armado lamang ng baston, ang nagbantay sa SONA kahapon makaraang tayain ng National Capital Region Police Office na inaasahan sa 15,000-20,000 ang dadagsang raliyista. Gayunman, sinabi ng mga militanteng grupo na aabot ng 30,000 ang kabuuang bilang nila.
Pero ayon sa Quezon City Police District (QCPD), nasa 11,000 ang raliyistang dumagsa kahapon malapit sa Batasan Complex.
Nakibahagi rin sa malawakang kilos-protesta laban sa SONA ang Kilusang Mayo Uno, Anakbayan, Kadamay, Migrante International, Anakpawis, Gabriela, Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), at iba pa.
SILENT PROTEST
Nasa 1,000 pares ng sapatos, sandals at tsinelas naman ang inihilera ng grupong Block Marcos Movement sa Commonwealth Avenue kahapon ng umaga bilang simbolo ng mga nasawi sa drug war ng gobyerno.
Sa kanyang SONA, sinabi ng Pangulo na ipagpapatuloy niya ang kontrobersiyal niyang drug war, ipinagtanggol ang pagdedeklara niya ng martial law sa Mindanao, at nanawagan sa Kongreso na ipasa ang National Land Use Act upang maprotektahan ang kalikasan, kasabay ng bantang dadagdagan niya ang buwis ng mga kumpanya ng minahan kung hindi isasaayos ang mga komunidad na napinsala nila.