NANAIG ang Gamboa Coffee Mix sa Cafe Lupe sa duwelo ng koponang walang panalo, 25-21, 25-22, 18-25, 27-25, nitong Linggo sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference men’s division sa The Arena sa San Juan.

Kumubra si Alfredo Pagulong ng 13 puntos, habang nag-ambag sina Angelino Jose Pertierra ng 12 puntos at Mark Egan na may 11 puntos para sa unang panalo ng Gamboa Coffee Mix sa apat na laro.

Naitala ng Gamboa Coffee Mix ang impresibong 49 attack points, sa kabila nang matikas na depensa ng Cafe Lupe, nananatiling bokya sa limang laro, na nakagawa ng 17 blocks.

Nagsalansan si John Millete ng 18 marker, habang kumana sina Paolo Lim at Joshua Castillo ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Nagwagi naman ang Army sa Instituto Estetitco Manila, 25-23, 24-26, 25-21, 21-25, 15-11, para mapanatiling buhay ang kampanya na makasikwat ng semifinal slots.

Nanguna si Romnick Rico sa Troopers sa naiskor na 19 puntos, habang umikor sina skipper Benjaylo Labide ng 15 puntos at nag-ambag sina Manuel Medina at Antonio Torres ng 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Umusad ang Army sa 2-3 karta kasosyo ang Sta. Elena sa ikaapat na puwesto.

Nangunguna ang Mega Builders (6-0) kasunod ang Cignal (5-1), habang nakasiguro ang Air Force (4-2) ng playoff para sa semis spot.