NI: Reggee Bonoan
PAGKATAPOS tayong paiyakin at mahalin si Sylvia Sanchez sa The Greatest Love bilang si Mama Gloria ay kamumuhian at katatakutan naman natin siya sa bago niyang karakter sa indie film na Nay mula sa Cinema One Originals na mapapanood sa Nobyemre 2017.
Ang Nay ay isang horror film mula sa panulat at direksyon ni Kip Oaebanda na nakilala sa mga naunang pelikula niyang Tumbang Preso 2014; Bar Boys (2016) at Justine Barber (2014).
Magsisimula nang mag-shoot si Sylvia ng Nay sa ikatlong linggo ng Agosto. Gustung-gusto niya ang bago niyang karakter dahil hindi pa niya ito nagagawa sa buong career niya.
“Kung sa The Greatest Love, punumpuno ako ng pagmamahal at pang-unawa, dito sa Nay, wala akong puso, hindi ko alam paano magmahal,” kuwento ni Ibyang.
“Ang ganda ng istorya, Reggee, ang ganda ng script kaya talagang umoo ako. Sabi ko nga kung sa TGL, sobra-sobra ang pagmamahal ko sa lahat, dito sa Nay, wala, parang galit ako sa mundo. Hindi ko puwedeng ikuwento sa’ yo.”
May karamdaman si Sylvia habang kausap namin, sabi namin dahil bumagsak na ang immune system sa kaka-#operationtaba program niya.
“Hindi, uy! Pagkatapos ko kasing tumakbo, naulanan ako, hayun, natuyuan na ako ng pawis at ulan, eh, di lagnat at sipon inabot ko,” kuwento sa amin.
Makakasama ni Sylvia sina Enchong Dee at Jameson Blake ng Pinoy Big Brother 737 at miyembro ng Hashtags sa Nay.
Dumaan sa audition sina Enchong at Jameson, sabi sa amin ng taga-Cinema One.
Ipinakita na sa amin ni Ibyang ang poster ng Nay at nakakadiri, huh. Kaya kinukulit namin ang aktres kung ano ang kuwento pero hindi kami sinasagot.