INIHAYAG ng Department of Health na layunin ng Executive Order 26 ni Pangulong Rodrigo Duterte, o ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, na mahirapan ang mga naninigarilyo na ipagpatuloy ang kanilang bisyo.
Ayon sa tagapagsalita ng Department of Health na si Dr. Eric Tayag, nililimitahan ng nasabing Executive Order ang “mund” ng mga naninigarilyo, dahil papayagan lamang sila sa mga designated smoking area ng mga establisimyento, mga pasilidad at mga shopping mall na ikinokonsiderang “public places” sa ilalim ng kautusan.
Batay sa panuntunan, isang designated smoking area lamang ang pupuwede sa bawat pasilidad, hotel, mall o establisimyento.
“For example, all of the tenants in the mall shall have one common designated smoking area. They cannot have separate designated smoking area,” sinabi ni Tayag sa panayam nitong Sabado.
Idinagdag pa ni Tayag na ang pagkakaroon ng mas maraming designated smoking area ay hahantong sa pagkabigo ng layunin ng Executive Order, na idinisenyo upang limitahan ang paninigarilyo sa bansa at hikayating ihinto na lamang ito.
Ayon pa kay Tayag, mukhang hindi pa handa ang ilang pampublikong lugar sa designated smoking area ng mga ito.
“So, ang nakikita namin, it is almost impossible for every establishments to conform with the smoking area restrictions (kabilang ang pagkakaroon ng mga designated smoking area),” ani Tayag.
“While the manager informed us that they have the intention to put a designated smoking area, as of now in the absence of designated smoking area they will opt to temporarily put signage of ‘No Smoking Area’ in the mall.”
Aniya, sa ngayon ang pinakamadaling paraan ay ang paglalagay ng signage na No Smoking Area para sa mga establisimyentong hindi kayang maglagay agad ng designated smoking area.
Kung mayroong karatula, magbibigay impormasyon ang pamunuan ng mga pasilidad, mall, hotel o establisimyento, sa mga kustomer na kailangang sumunod sila sa patakaran.
Haharap ang susuway sa pagkakaroon ng designated smoking area sa kaukulang parusa mula sa task force ng lokal na pamahalaan, at maaaring malagay din sa peligro ang naturang establisimyento. - PNA