Ni GENALYN KABILING

Nanindigan ang Malacañang kahapon na walang kinalaman ang pulitika sa desisyon ng Philippine National Police na harangin ang isang banyagang bisita ng nakadetineng si Senador Leila de Lima.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na sumusunod lamang sila sa protocol nang hindi isama si Liberal International president Juli Minoves sa listahan ng mga bisita ni De Lima nitong Sabado.

“Our authorities are strictly following protocols in the PNP Custodial Center. It is unfortunate that the name of Mr. Juli Minoves, President of Liberal International, was not included in the list of approved visitors scheduled to see Senator Leila De Lima on that day,” aniya.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ipinunto ni Abella na pinayagang pumasok ang mga kasama ni Minoves sa detention facility para mabisita si De Lima dahil nasa listahan ang kanilang mga pangalan.

“There is no need to add political color to an issue which has none,” dagdag niya.

Nagpahayag ng pagkadismaya si Minoves, na lumipad mula Europe patungong Manila para makipagkita kay De Lima, nang mapagkaitan ng pagkakataong mabisita ang senador.

Hinala niya, pinagbawalan siyang makapasok sa pasilidad ng pulisya matapos magsumite ng liham sa United Nations na nagrereklamo tungkol sa “deterioration of the state of democracy and the rule of law in the Philippines” noong nakaraang buwan.

Si De Lima ay kasalukuyang nakakulong sa Camp Crame habang dinidinig ang kanyang kaso sa diumano’y pagkakasangkot niya sa illegal drug trade.