Ni DIANARA T. ALEGRE
Idaraos ngayong Lunes ang ikalawang State-of-the-Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, na gaganapin sa plenary session hall ng Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.
Ang Batasang Pambansa—na sa plenary session hall nito ilalahad ni Pangulong Duterte ang kanyang talumpati sa harap ng mga kapwa pulitiko, mambabatas at kanilang mga asawa, Cabinet members, Supreme Court justices, miyembro ng diplomatic corps, at iba pang mga espesyal na bisita—ay kasalukuyan nang sarado para tiyakin ang seguridad ng lugar.
Bago natin pakinggan ang ulat ng Pangulo matapos ang isang taon niya sa puwesto, balikan natin ang mga pangunahing pangakong binitiwan niya sa una niyang SONA noong Hulyo ng nakaraang taon. Natupad niya kaya ang alinman sa mga ito? Alin ang kailangan pang tutukan, at alin ang simpleng ipinangako lamang?
*Pigilan ang paglaganap ng ilegal na droga sa bansa sa 3-6 na buwan. Hindi ganap na nasugpo ang paglaganap ng ilegal na droga sa bansa sa loob ng anim na buwan, at hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang madugong drug war ng administrasyon, na libu-libo na ang namatay, kasama na ang bintang na extrajudicial killings.
“We will not stop until the last drug lord, the last financier and the last pusher have surrendered or put behind bar--or below the ground if they so wish,” sinabi ni Duterte sa una niyang SONA.
*Pagbubutihin ang transportasyon sa Metro Manila. Ipinangako ng Pangulo na iibsan ang matinding trapiko sa Metro Manila. Kasama rito ang paghimok niya sa Kongreso na bigyan siya ng emergency powers para solusyonan ang problema—ngunit hindi pa ito naibibigay sa kanya hanggang ngayon.
“Alam naman ninyo na sagad na. If you give it, fine. If not, we will take the longer route. Slowly,” aniya.
Dagdag pa niya, palalakasin niya ang kapasidad ng mga tren sa Metro Manila at mas pahahabain ang operating hours ng LRT at MRT para sa mas magandang serbisyo.
*Alisin ang kontraktuwalisasyon. Ayon kay Labor Secretary Bello, ikinonsidera niya ang pag-uutos sa mga kumpanya na ang 80% ng kanilang mga empleyado ay gawing regular. Inuunti-unti ang pag-aalis sa “endo (end-of-contract)”
*Peace talks sa mga komunista, Muslim Mindanao separatist groups. Nagdeklara ang Pangulo ng unilateral ceasefire sa mga rebelde sa pagsisikap na maisakatuparan ang negosasyon. Gayunman, dalawang beses nang nakansela ang peace talks sa National Democratic Front.
Katatapos lang makumpleto ang draft ng Bangsamoro Basic Law (BBL) para sa mailap na kapayapaan sa Mindanao.
*Wala nang pila sa government services. Sinabi ni Pangulong Duterte na pabibilisin niya ang pagpoproseso sa pagkuha ng business permits at mga lisensiya “to the barest minimum”, bilang bahagi ng pangako niyang ititigil ang red tape.
Gayundin, nangako siyang pahahabain sa tatlo hanggang limang taon ang validity ng driver’s license.