ni Mary Ann Santiago
Mahigit 700 indibiduwal at korporasyon, kabilang ang isang mamamahayag, na buong pusong nag-aalay ng dugo at tumutulong sa pangangalap ng blood donation, ang ginawaran ng diploma of service ng Philippine Red Cross (PRC), kasabay ng pagdiriwang ng Blood Donor’s Month ngayong Hulyo.
Pinangunahan ni PRC Chairman, Senator Richard Gordon ang pagbibigay ng parangal nitong Huwebes sa daan-daang indibiduwal at korporasyon, sa punong tanggapan nito sa Boni Avenue, kanto ng EDSA sa Mandaluyong City.
Kabilang sa pinalad na mabigyan ng parangal si Mer Layson, pangulo ng Manila Police District Press Corps (MPDPC), dahil sa kanyang pagiging regular blood donor sa loob ng 21 taon, at aktibong pagtulong sa PRC upang makapangalap ng dugo.
Ayon kay Gordon, dapat lamang na bigyan ng parangal ang mga “bagong bayani” na handang magkaloob ng kanilang dugo para makapagdugtong ng buhay ng kapwa.
“This month of July, the Blood Donor's Month, we take opportunity to recognize individuals and corporate partners for their continuous support for the blood service of the PRC,” ani Gordon.