Ni: Light A. Nolasco
RIZAL, Nueva Ecija - Pinaslang ng mga hindi kilalang salarin ang isang magsasaka at asawa nito sa Sitio Ballesteros sa Barangay Paco Roman sa Rizal, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Chief Insp. Manuel Catacutan sa tanggapan ni Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Antonio C. Yarra, nakilala ang mga biktima na sina Mario Tage Castro, 66; at Catalina Gragasin Castro, 56, na kapwa kaagad na nasawi.
Nabatid na dakong 9:00 ng gabi nitong Huwebes at kauuwi lang ni Mario nang dumating ang mga suspek at ilang beses siyang binaril sa dibdib, bago sa leeg naman pinaputukan ang ginang.
Kabilang sa mga tinitingnang motibo sa pamamaslang ang away sa lupa.