ni Beth Camia
Ipinagmamalaki ng Duterte administration ang mga benepisyong nakukuha ng Pilipinas sa independent foreign policy na ipinaiiral ng gobyerno.
Matatandaang pinasimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong foreign policy kung saan pinalalakas ang relasyon ng Pilipinas at China, gayundin ang pakikipag-alyansa sa Russia habang dumistansiya naman sa United States (US).
Ibinibida ng Malacañang ang daan-daang bilyong dolyar na halaga ng investment mula sa China.
Ngunit sa kabila ng paghiwalay sa US at pakikipagkaibigan sa China, tiniyak ni Pangulong Duterte na magpapatuloy ang military alliance ng Pilipinas at ng US.
Sa kanyang talumpati kamakailan, sinabi ni Pangulong Duterte na mananatili ang alyansa ng Pilipinas sa Amerika dahil sa RP-US Military Pact o Mutual Defense Treaty.
Kasabay nito, kinilala rin ni Pangulong Duterte ang tulong ng US sa operasyon ng militar laban sa ISIS-Maute terror group sa Marawi City.