PUMANAW na ang aktor na si John Heard, kilala sa kanyang pagganap bilang ama sa pato na mga pelikula ng Home Alone noong dekada 90, ayon sa US media. Siya ay 72 anyos.
Iniulat ng entertainment website na TMZ na natagpuang patay ang aktor sa isang hotel sa Palo Alto, California habang nagpapagaling sa katatapos na back surgery.
Wala pang sagot ang mga kinatawan ni Heard na hinilingan ng komento.
Sumikat ang beteranong aktor nang gumanap bilang si Peter McCallister – ang ama ng mischievous na si Kevin, na ginampanan ni Macaulay Culkin – sa family comedy na Home Alone at sa sequel nito na Home Alone 2: Lost in New York.
Isinilang sa Washington DC noong Marso 7, 1945, nagtrabaho si Heard sa teatro bago bumaling sa pelikula.
Bagamat kilala siya ng karamihan bilang “Home Alone Dad,” umarte rin si Heard sa iba pang mga pelikula kabilang na ang Between the Lines, Heart Beat, Cutter’s Way at Big.
Noong 1999, nasungkit niya ang Emmy nomination sa pagganap bilang tiwaling detective sa acclaimed mafia drama series na The Sopranos. Lumabas din siya sa CSI: Crime Scene Investigation, Modern Family at Entourage.
Nagpaskil ng mensahe sa Twitter ang aktor na si Jeff Bridges para parangalan ang kanyang dating co-star: “John Heard -- what a wonderful actor. We were in the movie Cutter’s Way together & I got to experience his artistry and dedication first hand.” (Agence France-Presse)