ni Leonel M. Abasola
Nilinaw ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na saklaw ng Executive Order No. 2 o Freedom of Information (FOI) ang lahat ng ahensiya at tanggapan ng pamahalaan, maliban sa legislative, judiciary branch ng pamahalaan.
Aniya, walang dapat ikabahala dahil patuloy na bukas ang lahat ng libro o record, hindi lamang sa media kundi sa buong sambayanan at ito ay bahagi ng isinusulong na “transparency” ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagbukas ng 17th Congress, prayoridad pa rin ang pagbalangkas ng FOI, ayon kay Senator Grace Poe.
Kaisa rin ng mayorya ng mga mamamahayag ang Presidential Communications Operations Office, sa pagnanais na maging bukas ang komunikasyon ng media sa mga tanggapan ng gobyerno.
Ayon kay Andanar, mahalagang malaman ng taumbayan, sa pamamagitan ng media, ang mga record ng mga government agencies na direktang nasa tanggapan ng Pangulo, gayundin ang mga statistics, archives at dokumento mula sa mga government agencies.
Binigyang-diin ni Andanar ang mahigpit na tagubilin ni Pangulong Duterte sa kaligtasan ng mga mamamahayag.
Bilang patunay, agad ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagbuo ng “Presidential Task Force against Media killings,” sa bisa ng Administrative Order No. 1.
Maliban sa proteksiyon sa media, nais din ng Pangulo na mabigyan ng hustisya ang mga napaslang at naabusong mamamahayag sa mga nakalipas na administrasyon.