BANGALORE, India – Natikman ng Perlas Pilipinas ang sakit nang kawalan nang sapat na karanasan sa international play nang padapain ng defending champion Japan, 106-55, nitong Linggo sa FIBA Asia Cup Women’s Cup sa Sree Kanteerava Indoor Stadium dito.
Umarya ang Japanese sa siyam na sunod na puntos sa pagbubukas ng unang yugto tungo sa double digit na bentahe na nabigong maibaba ng Pinay.
Nanguna sa Japanese side sina Evelyn Mawuli sa naiskor na game-high 21 puntos at Manami Fujioka na may 10 rebound at 10 assists.
Pinamunuan naman ni Gemma Miranda ang Filipinas sa nakubrang 17 puntos.
Ito ang unang pagkakataon na nakalaro ang Perlas sa level 1 tournament matapos ang impresibong kampanya sa Wuhan, China noong 2015.
Sunod na makakaharap ng Filipinas ang Australia na pinamumunuan nina WNBA veteran Kelsey Griffin at Belinda Snell.
Nagwagi ang Aussie sa South Koreans, 78-54, sa first game.