JERUSALEM (AP) — Nagbigay na ang Israel Foreign Ministry ng mga detalye kaugnay sa pamamaril sa Israeli embassy sa Jordan, sinabing binaril at napatay ng isang security guard ang dalawang Jordanian sa engkuwentro.
Nangyari ang pamamaril nitong Linggo ng gabi sa residential building na ginagamit ng mga staff ng embahada.
Ayon sa ministry, dalawang manggagawang Jordanian ang pumasok sa gusali para magpalit ng kasangkapan. Inatake ng isa sa mga manggagawa ang Israeli guard gamit ang screwdriver. Iniulat ng Israeli media na nagpaputok ang guwardiya, at napatay ang isang 17-anyos na Jordanian. Tinamaan ang Jordanian na may-ari ng apartment at namatay din kalaunan.
Ayon sa media, humihiling ang Jordan ng imbestigasyon, at nananatili sa loob ng embahada ang mga staff.
Nagpahayag ang Israel na alinsunod sa international conventions, mayroong legal immunity ang guwardiya.