ni Marivic Awitan

NAKALUSOT ang Creamline sa dapat sana'y isang malaking upset sa kamay ng University of the Philippines upang manatiling nag -iisang koponang walang talo sa ginaganap na Premier Volleyball League Open Conference nitong Sabado sa a Fil Oil Flying V Center sa San Juan.

Nakarecover ang Cool Smashers at naungusan ang Lady Maroons , 19-25, 18-25, 25-18, 25-17, 16-14 para sa ika-6 na sunod nilang panalo.

Dalawampu't dalawang errors sa unang dalawang sets ang naging dahilan ng kabiguan ng Creamline sa unang dalawang frames.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ayon kay assistant coach Oliver Almadro, malaking bahagi nito ang pagkakasakit ng ilan nilang mga players kung kaya hindi sila nakakapag-ensayo ng kumpleto.

“Hindi nga kami makumpleto sa practice kasi ilang players namin ang may sakit. But I just told them to believe. After that second set, kahit before the game pa lang, we coaches were telling our players that they have to keep believing in ourselves that we can win,” paliwanag ni Almadro.

Nakarecover naman sila sa third frame at nagdomina hanggang fourth upang maipuwersa ang decider.

Sa fifth set, nakauna pa ang Lady Maroons sa match point, 14-13 matapos ang dalawang sunod na errors ng Cool Smashers na sinundan ng isang smash ni Diana Carlos.

Ngunit, agad bumawi si Chesca Racracquin para itabla ang laban na sinundan ni Ging Balse -Pabayo ng isang hit para sa huling match point bago selyuhan ni Racracquin ang panalo ng isang off the block hit.

Tumapos na topscorer para sa Creamline si Pau Soriano na may 25 puntos kasunod si Racraquin na may 17.

Sa tulong ni setter Jia Morado na nagtala ng 66 excellent sets nagawang manalo ng Cool Smashers sa kabila ng ginawa nilang 40 errors.

Tumapos naman sina Carlos at Isa Molde na may 18 at 14 puntos ayon sa pagkakasunod para sa UP na bumagsak sa markang 1-5.