MARAMING nais at kailangang sabihin si Pangulong Duterte sa kanyang State-of-the-Nation Address (SONA) sa joint session ng Kongreso ng Pilipinas ngayon.
Ilalahad ito ng Pangulo sa harap ng nagtipun-tipong senador at kongresista sa Batasan Complex sa Quezon City, ngunit isa itong mahalagang ulat sa mamamayan ng bansa na makikinig sa kanya sa telebisyon at radyo sa kani-kanilang bahay sa lahat ng sulok ng bansa.
Ang pinakamahalagang pangyayari sa bansa sa nakalipas na mga araw ay ang proklamasyon ng batas militar sa Mindanao noong Mayo 23, kasunod ng pag-atake ng mga teroristang Maute sa Marawi City, na suportado ng mga mandirigma ng Islamic State mula sa ibang mga bansa. Pinili nito ang Pilipinas upang maging sentro ng pagpapalawak ng teritoryong jihadist ng Islamic State sa Timog-Silangang Asya, makaraang malipol ang grupo sa Gitnang Silangan.
Inaasahang ilalaan ni Pangulong Duterte ang malaking bahagi ng kanyang SONA ngayong araw sa mga plano at proyekto niya para sa bansa sa gitna ng matinding bantang ito sa ating pambansang seguridad, na bukod pa sa bantang dulot ng New People’s Army (NPA) at ng iba pang grupong rebelde sa bansa.
Tampok din sa SONA ngayon ang pinakahuling ulat tungkol sa kampanya ng Pangulo kontra droga, na naging malaking usapin sa mga unang buwan ng kanyang administrasyon. Nagpapatuloy ang kampanyang ito hanggang ngayon, dahil hindi sapat ang unang taya na masusugpo ang problema sa loob ng tatlong buwan makaraang matuklasan kung gaano kalubha ang suliranin. Inaasahan din nating makakukuha tayo sa SONA ngayon ng maikling kabuuang ulat, kabilang ang estadistika ng mga nasawi, mga nakulong, at mga sumasailalim sa rehabilitasyon.
Malaki rin ang ipinagbago ng ugnayan ng Pilipinas sa ibang bansa sa unang taon ng administrasyon, at mayroon tayo ngayong bago at mas malapit na ugnayan sa China at Russia, bagamat nananatili pa rin ang alyansa natin sa Amerika. Babanggitin din sa SONA ngayon ang ugnayan natin sa mundo, partikular ang may kinalaman sa pag-atake sa Marawi City na kinasasangkutan ng mga dayuhang terorista na nagnanais na magtatag ng teritoryo sa ating bansa.
Nasilayan natin sa nakalipas na taon ang mahahalagang pagbabago sa maraming aspeto sa ating buhay bilang isang bansa—sa pagmimina at iba pang paraan ng pangangasiwa sa mga likas na yaman; sa edukasyon, partikular sa bagong polisiya ng libreng matrikula sa kolehiyo; sa pagsisikap na mabago ang sistema ng pagbubuwis sa bansa; sa malawakang programang pang-imprastruktura na ngayon pa lamang ay nakahilera na ang mga proyektong kukumpletuhin sa bansa sa susunod na limang taon, na may kabuuang halaga na mahigit P3 trilyon.
Sa SONA noong nakaraang taon, binanggit ng Pangulo ang maraming maliliit na bagay na nakaaapekto sa iba’t ibang grupo ng mga tao, kabilang ang pagbabaha, basura, at matinding trapiko sa Metro Manila, pagpapaluwag sa Ninoy Aquino International Airport, ang mga palaisdaan sa Laguna de Bay, ang pahirapan sa pagrerehistro ng negosyo, at katapatan at kalayaan sa pagtatamo ng mga pangunahing impormasyon tungkol sa operasyon ng gobyerno.
Napakaraming bagay ang maaaring idetalye ni Pangulong Duterte sa SONA ngayon. Ngunit mahalagang iulat niya kung ano ang gagawin ng pamahalaan upang mapaginhawa ang buhay ng mga karaniwang mamamayan sa mga susunod na buwan at taon. Makatutulong ang malawakang programang pang-imprastruktura, gayundin ang pagpapasigla sa produksiyong agrikultural at industriyal.
Ang kapayapaan at kaayusan, ugnayang panlabas, reporma sa buwis, pagsulong ng mga negosyo, saganang produksiyon sa mga taniman, tapat na gobyerno, malinis na hangin, at kawalan ng trapiko—mahalaga ang lahat ng ito. Ngunit higit sa ano pa man, nais marinig ng mamamayan na bumubuti na ang kanilang kalagayan sa buhay. Ito na ang magiging pinakamainam at pinakamagandang ulat na maaaring ilahad ng Pangulo sa bansa ngayong araw.