Ni: Reggee Bonoan

NAGBUBUNYI ang Team AlEmpoy sa pangunguna nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez dahil kasalukuyang pinipilahan ang Kita Kita sa mga sinehan nationwide.

(Editor’s note: Ayon na rin sa tidal wave ng magagandang feedback ng nauna nang mga nakapanood na nagrerekomendang maganda ang Kita Kita, isa ito sa mga pelikulang tiyak na magtatagal sa mga sinehan.)

Empoy at Alessandra copy copy

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Noong opening day ay hindi pa sumipa sa takilya ang pelikula dahil nakiramdam muna yata ang moviegoers, nakinig sa feedback ng mga nakapanood na at nagbasa ng reviews sa social media at mga pahayagan na pawang papuri sa tambalang AlEmpoy at sa magandang kuwento ng pelikulang sinulat at idinirihe ni Sigrid Andrea Bernardo.

Bukod dito ay marami ang humanga sa kakaibang structure ng pelikula at pagkakadirek ni Sigrid, sa magagandang tanawin sa Japan at sa nakaka-LSS (last song syndrome) na soundtrack na kinanta ni KZ Tandingan na Two Less People In The World na orihinal ng Air Supply.

Isa kami sa mga naglibot sa mga sinehan noong opening day ng Kita Kita at medyo nalungkot kami sa mga nakuha naming sagot sa mga takilyera ng Trinoma, Robinsons Magnolia, Gateway Mall at Greenhills Theater.

Pero sa ikalawang araw, Huwebes, nang muli naming balikan ang mga nabanggit na sinehan at napangiti na kami sa mga sagot sa ticket booth, “Okay naman po, marami-rami namang nanonood na kumpara kahapon.

Biyernes, ikatlong araw, binalikan ulit namin ang mga sinehang nabanggit, sakto, ang ganda na ng ngiti namin, ha-ha-ha, as if part kami ng pelikula kung makapag-monitor. Wala lang, gusto lang kasi naming magtagumpay ang AlEmpoy love team at gusto naming makilala na nang husto ang baguhang direktor na si Sigrid Andrea Bernardo kasi magaling, kakaiba ang estilo, hindi common ang mga kuwentong siya mismo ang sumusulat at higit sa lahat, napaka-honest at hindi showbiz na tao kaya gustung-gusto naming iniinterbyu at hindi pa naman siya umiiwas sa amin kahit aminadong nagugulat sa mga tanong namin.

Totoong kumikita na ang Kita Kita dahil nag-post na sa social media ang isa sa producer ng Spring Films na si Erickson Raymundo na nagdagdag na ng sinehan ang SM Malls sa mga probinsiya at Metro Manila. Maging ang ibang malls na sa maliit na sinehan lang ipinapalabas ang AlEmpoy movie ay nagsabing ililipat sa mas malaking sinehan na kayang i-accommodate ang mahigit 200 people, na magandang balita sa sinumang produ.

Heto pa, dahil gusto naming makita ang ebidensiya, tsinek namin ang lahat ng screening time ng Robinsons Magnolia nitong Biyernes na simulang magbukas ay maraming kulay blue at kokonti na lang ang puti na ibig sabihin ay marami na nga ang nanonood kahit hindi nag-sold out tulad ng Spiderman The Homecoming at Wonderwoman na okay na rin dahil ‘kitang’kita’ pa rin ang AlEmpoy tandem kumpara sa production cost ng dalawang higanteng pelikula.

Ang saya-saya ng atmosphere ngayon sa opisina ng Spring Films dahil nakakangiti na sina Piolo Pascual, Erickson at Bb. Joyce Bernal, dahil finally nagbunga na ang kanilang mga hirap para ilaban ang Kita Kita sa lahat.

Naalala namin bigla ang mga pelikulang Here Comes the Bride nina Angelica Panganiban at Eugene Domingo, Heneral Luna ni John Arcilla at English Only nina Jennylyn Mercado at Derek Ramsay na kulelat sa box-office nang ipalabas, pero dahil sa word of mouth ay biglang dinumog sa takilya na ikinabigla rin ng mga producer.

Kasabihan kasi sa industriya na mahuhulaan na ang kikitain ng pelikula sa buhos ng tao sa opening day.

Noon pa ay hindi kami naniniwala sa paniniwalang ito dahil paano kung may bagyo kaya konti lang ang nanood o kaya mas hinintay ang weekend dahil walang pasok at higit sa lahat, importante talaga ang word of mouth.

Anyway, congratulations sa Team AlEmpoy at Spring Films producers at siyempre kay Direk Sigrid Andrea na alam naming sobrang pressured, ha-ha-ha.