Ni: Clemen Bautista

SA kalendaryo ng talambuhay ng ating mga dakilang bayani, ngayong ika-23 ng Hulyo ay paggunita at pagdiriwang ng kaarawan ni Apolinario Mabini—ang kinikilalang “Utak ng Himagsikan”. Tinawag si Mabini ng mga kapwa manunulat ng kasaysayan at ng talambuhay na “Sublime Paralytic” o Dakilang Lumpo sapagkat sa kabila ng kapansanan, patuloy niyang inabot ang kanyang mga pangarap. Hindi siya natakot alang-alang sa kabutihan at sa kalayaan ng Perlas ng Silangan.

Ayon sa kasaysayan, si Mabini ang kanang-kamay ni Heneral Emilio Aguinaldo nang itatag ang Republika sa Malolos.

Isinilang sa Talaga, Tanauan (lungsod na ngayon) Batangas noong ika-23 ng Hulyo 1864. Pangalawa siya sa walong magkakapatid na lalake. Ang kanyang ina ang nagsilbi niyang unang guro na humubog sa matatag niyang karakter o pagkatao. Sa hangaring matamo ang magandang kalidad ng edukasyon, lumipat si Mabini sa kabayanan at nag-aral sa pampublikong paaralan. Pagkatapos, lumipat siya sa pribadong paaralan ng isang tanyag na paring Pilipino na si Padre Valerio Malabanan na guro noon sa Lipa, (lungsod na ngayon) Batangas. Sa nasabing paaralan nagkaroon ng hangarin at inspirasyon si Mabini na tumuklas nang mataas na karunungan.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Nang mapiling scholar, lumuwas si Mabini sa Maynila at nag-aral sa Colegio San Juan de Letran at doon natuklasan ang kanyang husay at talino. Nang magkaroon ng epidemya ng kolera sa Maynila noong 1882, nagsara ang lahat ng paaralan.

Bumalik si Mabini sa Tanauan at nagturo ng Latin sa loob ng dalawang taon. Pagkatapos, muling bumalik si Mabini sa Maynila at tinapos ang pag-aaral ng abogasiya sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1884. Guminhawa nang kaunti ang buhay ni Mabini nang makatapos ng abogasiya sapagkat naging assistant lawyer siya sa law office ng isa niyang kaibigang abogado.

Nalumpo si Mabini matapos magkaroon ng matinding lagnat noong 1896. Mahinahon niya itong tinanggap at patuloy na naging abogado. Hindi naging hadlang ang sakit ni Mabini upang ipamalas ang pagmamahal sa bayan. Pinatunayan niya ito sa pagsapi sa mga makabayang kilusan at samahan at gumawa ng mga lihim na reporma sa pamahalaan.

Nagsulat si Mabini ng mga akdang may kinalaman sa pulitika, lipunan, pamahalaan at kasaysayan na nagpamulat sa mga kababayan nating Pilipino noong panahon ng Himagsikan. Isa na rito ang “Verdadero Decalogo” o “Ang Tunay na Sampung Utos” na ang hangarin ay palaganapin ang pagiging makabayan.

Ayon kay Mabini, hindi natin makakamit ang kalayaan hanggat hindi natin isinasakripisyo ang ating sarili. Hindi dapat pansinin kung mamatay man tayo sa gitna o dulo ng ating paglalakbay. Ang susunod na henerasyon ay magsisiluha sa ating mga libingan, mga luha ng pagmamahal at pasasalamat at hindi mapait na paninisi at panunumbat.

Ang talino ni Mabini ay kinilala ng ibang lider, tulad ni Heneral Emilio Aguinaldo na humirang sa kanya na maging tagapayo at cabinet member. Sa payo ni Mabini, natatag ang Unang Republika ng Pilipinas. At sa mga sinulat na kautusan, naitatag ang Pamahalaang Rebolusyonaryo.

Sa bahagi ng isa sa mga akda ni Mabini na may kinalaman sa Himagsikan, ang “Ordenansa de la Revolucion” noong Abril, 1898, sinabi ni Mabini na ang Himagsikan ay isang marahas na paraan ng taumbayan na taglay ang kapangyarihang sadyang laan sa kanila upang buwagin ang isang pamahalaang walang saligan at palitan ito ng higit na kumikilala sa katwiran at katarungan.

Sa ating makabagong panahon, ang Himagsikan na hindi malilimot ay ang pagpapatalsik sa isang domestic elite na naging diktador. Ang EDSA People Power Revolution noong Pebrero 22-25, 1986. Pagkakaisa, dasal, imahen ng Mahal na Birhen at mga bulaklak na itinapal sa bibig ng mga baril ng mga sundalo ang nagsilbing sandata ng mamamayan. Napalayas ang diktador sa Malacañang.