NI: Leo P. Diaz
ISULAN, Sultan Kudarat – Arestado at nasamsaman umano ng matataas na kalibre ng baril at maraming bala ang municipal administrator at sinasabing kapatid ni Palimbang, Sultan Kudarat Mayor Abubakar Maulana, at dalawang iba pa nang isilbi ng mga awtoridad ang search warrant laban dito Barangay Milbuk, Palimbang.
Ayon sa report ng Sultan Kudarat Police Provincial Office, kapatid umano ng alkalde ang paksa ng search warrant na si Fatima Zahara Pendatun Maulana, habang nakatakas naman ang kasama niyang si Misuari Matabalao.
Inaresto rin ng awtoridad ang umano’y mga tauhan ni Fatima na sina Daud Guinda Juanday at Ali Moctar.
Nasamsam sa raid ang isang .9MM caliber MP5, 138 bala nito, tatlong mahahaba at isang maikling magazine, isang bandolier na may 228 bala ng M-16, 12 magazine, isang AK-47 at 150 bala nito, isang .45 caliber pistol at 12 bala nito, isang sling bag, at ang pick-up truck na minamaneho ni Guinda.