Ni: Marivic Awitan

Magsasagawa ng kanilang ” last minute adjustment” ang Philippine Track and Field Team para sa kanilang gagawing apgabak sa darating na Malaysia SEA Games sa susunod na buwan.

Ang nasabing mga adjustments ay bunsod ng kanilang naging obserbasyon sa inayos na track oval sa Bukit Jalil National Stadium sa nakaraang Pre-Sea Games meet na idinaos dito kamakailan.

Naobserbahan ng mga Pinoy tracksters sa kanilang pagsali sa nabanggit na pre-Sea Games competition ang pagiging malambot, matalbog at madulas ng bagong refurbished na track.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa naging panayam sa kanila sa DZSR Sport Radio, sinabi ng mga jumpers na sina Kath Santos, Tyler Ruiz at Janry Ubas na nagsipagwagi sa kanilang mga events sa nakaraang meet, na posibleng nakapagtala sila ng mas magandang record kung pamilyar sila sa bagong track surface.

Ayon sa kanilang playing coach na si Arniel Ferrera, nakuha naman ng Philippine team ang kanilang gustong mangyari sa ginawa nilang paglahok sa Sea Games test event dahil batid na nila ngayon kung anong dapat asahan at posibleng kaharapin pagdating ng Sea Games proper.

Sinabi din ni Ferrera na inihahanda na nila ang kanilang mga atleta pati ang mga gagamiting mga equipments sampu ng mga sapatos na akma sa madulas na track.

Samantala, nakatakdang isagawa ng Philippine Track and Field team ang huling bahagi ng kanilang preparasyon para sa Sea Games sa Teacher’s Camp sa Baguio City.

Nakatakdang umakyat ang lahat ng miyembro ng Sea Games bound national athletics team ngayong araw na ito sa Baguio at babalik sila ng Manila ng Agoto 10.

Tatlumpu’t walong Filipino tracksters ang nakatakdang umalis sa Agosto 16 upang sumabak sa Sea Games kung saan mayroon silang target na iuwing apat na gold medals o higit pa.