Ni: Mary Ann Santiago at Charina Clarisse Echaluce
Simula ngayong Linggo ay ipatutupad na ang nationwide smoking ban na nagbabawal sa paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar sa bansa.
Kaugnay nito, pinayuhan ng Department of Health (DoH) ang mga may-ari ng mga establisimyento na magkabit ng mga karatula na nagsasaad ng pagbabawal sa paninigarilyo.
Hinikayat din ni Health spokesperson at Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, ang mamamayan na kaagad na isumbong sa kagawaran ang mga tanggapang hindi maglalaan ng smoking area, o kung sino man ang maaaktuhang nagsisigarilyo sa hindi smoking area.
“Maaari pong mag-report ng violations sa aming tanggapan sa numero pong ito: (02) 711-1002,” sabi ni Tayag.
“Maraming nagtatanong sa amin na kung ire-report nila ay mga tao…. Ang ire-report sa amin, ‘pag tinanggap namin ang tawag, ay anong oras n’yo pong nakita ang violation. ‘Yung eksaktong establishment o address,” paliwanag ni Tayag.
Alinsunod sa Executive Order 26 na nilagdaan ni Pangulong Duterte, mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, tulad ng mga paaralan, pagamutan, klinika, food preparation areas, at mga lugar na fire hazard.
Pinapayagan naman ang pagtatalaga ng designated smoking areas (DSA) sa loob ng mga gusali, na maaaring open space o hiwalay na lugar na may maayos na bentilasyon.
Nagbabala naman si Tayag na ang sinumang mahuhuling lalabag sa naturang EO ay papatawan ng hanggang P100,000 multa o anim na buwang pagkakabilanggo.