Kahit wala ang kanilang pambatong hitter na si national team member Bryan Bagunas, winalis ng Megabuilders ang Sta. Elena , 25-20, 25-20, 25-20, kahapon sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League Open Conference men’s division sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Ang panalo ang ika-anim na sunod para sa Megabuilders to a 6-0 na nagbaba naman sa Sta. Elena sa markang 2-3, panalo-talo kapantay ng IEM Phoenix Volley Masters sa ika-apat na puwesto.
Mismong ang coaching staff ng Volley Bolts ay hindi makapaniwala sa kasalukuyang kinalalagyan ng kanilang koponan dahil ang pangunahing hangad lamang anila sa paglahok sa Open Conference ay mabuo ang chemistry ng kanilang koponan.
“Actually, ang main objective namin dito is to gain experience and make it to the top four. Eventually, gumanda yung laro nung mga bata at nag-jell sila. Ngayon, tumaas yung goal namin,” pahayag ni Megabuilders assistant coach Dong dela Cruz.
Pinangunahan ni Fauzi Ismail ang nasabing panalo sa itinala niyang 16 na puntos kasunod sina Madz Gampong, Kim Malabunga, at James Natividad na nagsipagtapos na may tig-11 puntos habang nagdagdag naman si Natividad ng 10 receptions.
“Kelangan namin kasi manalo dahil gusto naming mag-number one,”ayon pa kay de la Cruz. “Pero nakadepende pa rin lahat sa laban ng Cignal at Air Force kaya siguro yung mga bata dire-diretso yung nilalaro. Yung confidence at focus nila nandun na.”
Sa kabuuan ng laro ay sinamantala ng Megabuilders ang mabuway na floor defense ng Wrecking Balls sa kanilang itinalang 44 puntos bukod pa sa 13 kill blocks.
Nangyari ito sa mahusay na distribusyon ng bola ng kanilang playmaker na si Kim Dayandante na nagtala ng 28 excellent sets para sa Volley Bolts.
Gayunman, mawawala ang tatlo sa mga manlalaro ng Megabuilders na binubuo ng core ng National University sa pagtutuos nila ng Philippine Air Force sa Hulyo 29.
“Tatlo ang mawawala sa amin sa game na ‘yun. Si Bryan nasa national team tapos si James at Fauzi maglalaro sa BVR,”ayon kay Dela Cruz. “Siyempre iba yung pangalan ng tatlo na yun but we are still confident sa mga matitira.”
Nagtapos na topscorer para sa Sta. Elena ang skipper na si Berlin Paglinawan na may 13 puntos kasunod si Isaiah Arda na ,may 10 puntos.