EPEKTIBO na simula ngayong Linggo ang malawakang smoking ban sa bisa ng Executive Order No. 26 ni Pangulong Duterte.
Isa ang Pilipinas sa 111 bansa sa mundo — mula sa Albania hanggang Zambia — kung saan isang pambansang polisiya ang pagbabawal sa paninigarilyo. Alinsunod sa EO 26, ipinagbabawal ang paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar, sa loob man o labas ng isang istruktura, pag-aari man ng gobyerno o ng pribadong indibiduwal.
Kabilang sa mga ito ang mga eskuwelahan, lugar ng trabaho, tanggapan ng gobyerno, restaurant at iba pang kainan, hotel at establisimyento, entertainment center, kasama na ang mga elevator at hagdanan ng mga ito. Bawal din ang paninigarilyo sa mga pampublikong transportasyon, gaya ng eroplano, barko, jeepney, bus, taxi, tren, at tricycle.
Saklaw din ang mga lugar sa labas ng mga istruktura, gaya ng mga palaruan, sports grounds, bakuran ng simbahan at ospital, palengke at mga terminal ng transportasyon. Gayunman, mayroong mga lugar na pinahihintulutan ang paninigarilyo, na maaaring open spaces o hiwalay na indoor area na may maayos na bentilasyon.
Ayon sa World Health Organization, ang epidemya ng paninigarilyo ay isa sa pinakamatitinding bantang pangkalusugan sa mundo, at ikinamamatay ng mahigit pitong milyong katao kada taon — anim na milyon ang direktang naninigarilyo, habang ang iba, kabilang ang maraming bata, ay lantad naman sa “second-hand smoke”.
Natukoy na may mataas na panganib na magkaroon ng iba’t ibang uri ng cancer ang mga naninigarilyo, kabilang ang cancer sa baga, gayundin sa pantog, sa bato, sa bibig, sa esophagus, sa apdo, sa tiyan, at sa dugo. Pinahihina ng paninigarilyo ang puso, at dinodoble ang panganib na magkaroon ng atake sa puso at stroke. Maaari rin nitong maapektuhan ang buto at paningin at nagdudulot din ng mabahong hininga, at maging kawalan ng kakayahang makipagtalik ng isang lalaki.
Noong Marso, nang atasan ni Pangulong Duterte si Health Secretary Paulyn Ubial na buuin ang executive order upang ipagbawal ang paninigarilyo sa bansa, ay ibinunyag niyang may pagkakataon sa kanyang buhay na labis niyang pinagdusahan ang epekto ng kanyang paninigarilyo, kaya kinailangan niyang gumamit ng oxygen machine kapag natutulog. Nagawa niyang tigilan ang bisyo, aniya, at nang maging alkalde siya ng Davao City, nagpatupad siya ng total ban sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa siyudad.
Nang maluklok siyang pangulo noong Hunyo 2016, kaagad na inilunsad ni Duterte ang sariling kampanya laban sa droga, na ayon sa kanya ay sumisira sa napakaraming buhay sa bansa, ngunit hindi niya nakalimutan ang isa pang adiksiyon—ang paninigarilyo—na may delikadong epekto rin sa kalusugan ng mga Pilipino.
Isa namang malaking problema ang nakikinita ni Secretary Ubial na susulpot sa mga susunod na taon. Hindi tayo maaaring magkaroon ng tobacco ban, aniya, dahil labis na magdurusa ang industriya ng sigarilyo at tabako kung ganap itong ipagbabawal. Kalaunan, inaasahan niyang magagawang suportahan ng Pilipinas ang panawagan ng World Health Organization para sa isang mundong tobacco-free.
Sa ngayon, mahalagang makuntento tayo sa executive order ni Pangulong Duterte na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, bagamat nagpapahintulot sa ilang exceptions para sa mga hirap na biglaang tumigil sa bisyo.
Umaasa tayong darating ang panahon at magagawa rin nilang maihinto ang nakamamatay na bisyong ito para sa sarili nilang kapakanan, at pagkatapos ay maisakatuparan na natin ang isang mas malawak na pagbabawal sa paninigarilyo upang ganap nang matuldukan ang banta nito sa kalusugan.