Ni: Vanne Elaine P. Terrazola
Walong kabataang leader ang inaresto sa pagsasagawa ng lightning rally sa loob ng plenary hall ng Batasang Pambansa sa Quezon City, sa kasagsagan ng special joint session ng Kongreso kaugnay ng pagpapalawig sa martial law sa Mindanao.
Pinagdadampot sina Chad Booc, Kenneth Cadiang, Yasser Gutierrez, Michael Villanueva, Almira Abril, Renz Pasigpasigan, JP Rosos, at Vince Simon at dinala sa Quezon City Police District (QCPD) headquarters sa Camp Karingal.
Inaresto ang walo, karamihan ay volunteer-teachers mula sa Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (ALCADEV) sa Caraga Region, sa saglit na pambubulahaw sa special joint session sa panukalang palawigin pa ng limang buwan ang batas militar sa Mindanao.
Pansamantala silang ipiniit sa Camp Karingal at kakasuhan ng disturbance of legislative proceedings, alinsunod sa Article 144 ng Revised Penal Code, at maaaring pagmultahin ng P200-P1,000 o anim na buwang pagkakakulong, bagamat bailable ang kaso.