Ni: Marivic Awitan
Matapos ang kanilang naging matagumpay na kampanya sa katatapos na 2.2 UCI Tour de Flores sa Indonesia, muling sasabak sa dalawng malalaking karera sa labas ng bansa ang Philippine Cycling Continental team na 7-Eleven by Roadbike Philippines.
Dahil na rin sa kanilang nakukuhang magagndang reviews at respeto mula sa mga tour organizers sa abroad at mga nakakatunggaling mga dayuhang koponan, nagiging mahigpit ang kanilang schedule.
Ayon kay team director Ric Rodriguez, kinailangan nilang mamili sa mga nakahanay na karera para sa koponan at ipagpaliban ang pagsali sa ilang mga de kalibreng karera na kinabibilangan ng Herald Sun Tour, Le Tour de Langkawi at Hors Category Tour of Indonesia.
Nakatakdang umalis muli ng bansa ang koponan na pinangungunahan nina SEA Games bound Marcelo Felipe, Rustom Lim at Dominic Perez sa susunod na linggo upang lumahok sa dalawang karera na idaraos sa China at Kazakhstan.
Pagkatapos nito, makalipas ang pagsabak ng ilan nilang riders sa darating na Kuala Lumpur Sea Games ay may pito pa silang mga imbitasyong pinag-aaralan kung kanilang lalahukan kabilang na dito ang Ijen, Singkarak, Jelajah at Taiwan KOM bago matapos ang taon.
Kadarating pa lamang ng koponan noong Biyernes ng umaga mula sa Tour of Flores kung saan tumapos silang second overall sa general team classification at pumangatlo naman si Felipe sa overall individual classification at nagwagi din bilang Best Asian Rider atKing of the Mountain naman ang Spanish rider na si Edgar Nieto.