Ni: Mary Ann Santiago

Patay ang dalawang katao habang apat ang arestado sa anti-drug operation ng Manila Police District (MPD) sa isang barung-barong sa Port Area, Maynila kamakalawa.

Kinilala ni MPD Director Police Chief Supt. Joel Napoleon Coronel ang mga nasawi na sina Joemarie Esclares, 43, at Cesar Viduya, na tinatayang nasa edad 30-35, habang ang mga inaresto naman ay sina Jojie Arroga, 29; Rogel Lasado, 45; Rommel Tupaz, 37; at Allan Malanot, 34, na pawa umanong naaktuhang bumabatak.

Sa ulat ni PO3 Aldeen Legaspi, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), ikinasa ng mga tauhan ng MPD-Station 5 ang operasyon sa Block 7, Old Site sa Baseco Compound, bandang 2:30 ng hapon.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Nang makabili ng shabu ang mga poseur-buyer, agad inaresto sina Esclares at Viduya at tinanong ang kinaroroonan ni Arroga, na kilala sa tawag na ‘Akmad,’ at siyang target ng operasyon.

Sinamahan nina Esclares at Viduya ang mga pulis sa bahay ni Akmad at tuluyang inaresto gayundin sina Lasado, Tupaz, at Malanot.

Habang inaaresto ang apat na suspek, sinunggaban at nilabanan umano nina Esclares at Viduya ang mga pulis na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Nakatakdang sampahan ng drug charges ang apat na suspek.