Ni Jerome Lagunzad

BILANG player, walang pasubali na milya-milya ang bentahe ni Olsen Racela sa nakababatang kapatid na si Nash. Hindi lamang sa National Team, bagkus sa PBA nangibabaw ang ‘ra..ra..ra..cela’.

Ngunit, sa aspeto ng pagiging mentor, kahit nakapikit – angat na angat si Nash.

Aminado si Olsen na marami pang palay ang kanyang babayuhin para malagpasan kung hindi man mapantayan ang tagumpay ng kanyang utol sa larangan ng coaching.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Habang ninanamnam ang kasikatan sa taong 1998, bahagi na nang coaching community si Nash bilang mentor sa nabuwag na Metropolitan Basketball Association (MBA).

Subalit, maagap si Olsen sa posibilidad na magkaroon ng ‘sibling rivalry’ sa pagitan kanilang kapatid. Aniya, ginagamit niyang liwanag ang katayuan ni Nash para sa kanyang paglalakbay sa mundo ng coaching.

“It’s not motivation, hindi rin pressure. It’s more of looking up to him,” pahayag ni Olsen, tatayong coach ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws sa pagbubukas ng UAAP Season.

Minana niya ang posisyon kasy Nash na umakyat sa PBA.

“Siya ‘yung role model ko as a coach. Ang tagal na niya nagko-coach and he’s been through a lot,” aniya, patungkol sa kapatid na kasalukuyang mentor ng Talk ‘N Text.

Sagana na rin a tagumpay ang coaching career ni Nash sa MBA at PBA D-League, gayundin sa UAAP (2015) at sa nakalipas na SEABA Cup campaign ng Gilas Cadets.

Umaasa ang 46-anyos na si Olsen na masustinahan ang pundasyon na itinayo ni Nash sa Morayta-based camp mula noong 2012. Sa kasalukuyan, may naaaninag na liwanag para sa kapalaran ng Tamaraws ang one-time PBA mentor (Petron).

Mistulang reunion para kay Olsen at sa mga bagong recruit na sina Arvin Tolentino at Huber Cani ang kampanya ng Tamaraws sa pagbubukas ng UAAP sa Setyembre.

Kapwa nakasama ni Olsen ang dalawa sa RP Youth Team.

“The more practices and games I have with them, nasasanay na ako. And I think I have adjusted well to them and nakapag-adjust na rin naman sila sa akin. When it comes to the system, minor changes lang ginawa ko,” pahayag ni Olsen.

“‘Yung formation ng values nitong mga bata. Hindi lang naman ako basketball coach, I’m a life coach as well. ‘Yun ang nagbibigay ng fulfilment sa akin,” aniya.