KASAYSAYAN at kabuhayan ang nakataya sa paglarga ng Philippine Racing Commission (Philracom) third leg ng Triple Crown Series bukas sa Saddle & Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite.

Target ng Sepfourteen, sa paggabay ni jockey John Alvin Guce, ang makasaysayang ‘Triple Crown’ at tanghaling ika-11 alamat sa prestihiyosong karera na may nakalaang kabuuang P3 milyon premyo, tampok ang P1.8 milyon sa magwawagi.

Tumibay ang kampanya ng Sepfourteen, tatlong taong colt na alaga ng SC Stockfarm, nang angkinin ang ikalawang sunod na leg nitong Hunyo sa San Lazaro Park.

Sakaling maisakatuparan ang pangarap na pedestal, makakahanay ang Sepfourteen sa matitikas na Fair and Square noong 1981, Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001), Hagdang Bato (2012), at Kid Molave (2014).

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Magtatangkang pigilan ang Sepfourteen ng Brilliance, Golden Kingdom at Smokin' Saturday. Nakalinya rin sa 9-horse field ang Batang Poblacion, Greatwall, Hiway One, Mount Pulag at Pangalusian Island.

May nakalinya ring tatlong stakes races, dalawang charity races at walong rating-based races ang bubuo sa programa ng maghapong karera sa Philippine Racing Club's track. Ang rating-based races ay isinagawa bilang pagtugon sa pagiging miyembro ng Philracom sa International Federation of Horseracing Authorities.

Nakataya ang P300,000 premyo sa charity races, tampok ang P180,000 sa mananalo.

Sa rating-based races, nakahanda ang garantisadong premyo na P130,000.

Mapapanood din ang aksiyon sa Philracom Hopeful Stakes Race na may P1 milyon premyo at Philracom 3YO Locally Bred Stakes Race na may nakatayang P500,000.

Nakalinyang bumirit sa Hopeful Stakes Race ang Bossa Nova, Cerveza Rosas, Metamorphosis at Stockholm, habang sentro ng atensiyon ang Battle Chacha, Caloocan Zap, Kingship, Lemonada, Oceanside, Puwerto Prinsesa, Salt and Pepper, Sikat, Stravinsky at Temecula sa 3YO Locally Bred Stakes.

Ang three-leg series ay ibinatay sa pamosong Triple Crown sa Amerika na binubuo ng pamosong karera na Kentucky Derby, Preakness Stakes, at Belmont Stakes.

“We have prepared a solid lineup for our racing aficionados to enjoy. And I'm sure the increase in prize money will be highly appreciated by horseowners, too, ” pahayag ni Philracom Chairman Andrew A. Sanchez.