Ni: Orly L. Barcala
Sa ikalawang pagkakataon, tuluyan nang nagtapos ang buhay ng isang lalaki nang magbigti sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Bernie Enosa, 37, foreman sa isang construction company sa Sta. Ana Street, Sto. Rosario Village, Barangay Baritan, Malabon City.
Sa report ng Malabon Police, nakabigti at patay na nang matagpuan ni Alfie Alferez, katrabaho ng biktima, si Enosa sa loob ng sleeping quarter ng kanilang kumpanya, dakong 1:30 ng madaling araw.
Una rito, hatinggabi kamakalawa, nakipag-inuman pa umano si Enosa sa kanyang mga katrabaho at nang malasing ay dumiretso na sa kanyang tinutulugan.
Ayon mga katrabaho ng biktima, dumanas ng matinding depresyon si Enosa dahil sa problema sa pamilya at minsan na rin itong nagtangkang magbigti.
Sa kabila nito, inaalam pa rin ng awtoridad kung may foul play na nangyari.