Ni: Celo Lagmay
HANGGANG ngayon, nakakintal pa sa aking utak ang kahindik-hindik na kamatayan ng isang kamag-anak, 15-anyos na lumpo simula pagkabata; pausad-usad sa balkonahe at hindi kaginsa-ginsa ay hindi naman namalayang nahulog, nabagok sa mga batyang ng hagdan at tuluyang nawalan ng malay.
Maraming dekada na ang nakalilipas nang siya ay pumanaw subalit lagi ko siyang naaalala kapag nakakasalamuha ko ang katulad niyang may mga kapansanan – persons with disabilities (PWDs). Tulad nang minsan kami sa National Press Club of the Philippines ay nagtaguyod ng mga paligsahan sa iba’t ibang larangan na nilahukan ng mga kapatid nating may mga kapansanan – polio victims, bulag, bingi at pipi. Maraming taon na rin ang nakararaan. Ang ganitong mga pagsisikap, sa kabutihang palad, ay tinutularan ng iba’t ibang sektor na may malasakit sa naturang grupo ng PWDs.
Napag-alaman ko na ang Duterte administration, sa pamamagitan ng National Council on Disability Affairs (NCDA) at Department of Social Services and Development (DSWD), ay abala ngayon sa paggunita sa National Disability Prevention and Rehabilitation Week. Naniniwala ako na angkop na angkop ang ganitong selebrasyon na magbibigay-pugay sa 15 milyong Pilipino na may mga kapansanan.
Kaakibat nito ang pagtataguyod ng iba’t ibang programa na nakalundo sa tema ng pagdiriwang: Karapatan at Pribilehiyo ng may kapansanan: Isakatuparan at Ipaglaban. Marapat lamang na maisakatuparan ang mga kalayaan at karapatan ng PWDs, tulad ng itinatadhana ng pambansa at pandaigdigang mga batas tungo sa pagpapabuti ng kanilang mga kalagayan.
Maaaring taliwas sa pananaw ng ilang sektor, ngunit naniniwala ako na sa pagpapahalaga sa PWDs, higit nating pag-ukulan ng pagdakila si Gat. Apolinario Mabini – ang Dakilang Lumpo o Sublime Paralytic na itinuturing na “outstanding icon” ng mga may kapansanan. Nagkataon na gugunitain natin ang kanyang kaarawan bukas, Hulyo 23, kasabay ng pagdiriwang ng NDPR Week. Hanggang ngayon, batid nating lahat na matindi ang ipinamalas niyang kabayanihan at katalinuhan sa kabila ng kanyang kapansanan. Hindi maaaring maliitin ang kanyang partisipasyon sa Philippine revolution na nilahukan ng ating mga bayani.
Sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran, naririyan ang ating mga kapatid na PWDs na nagpamalas ng katapangan, katalinuhan at nag-aangkin ng kagila-gilalas na katangian. Si Rommel San Pascual, halimbawa, ang tinaguriang Bulagkaster o nag-iisang announcer na bulag sa buong bansa. Gayundin si Jule Taniongon, ang pinarangalan bilang “best individual volunteer” ng Pilipinas dahil sa kanyang kusang-loob na pagtatayo ng day care center pagkatapos ng Yolanda typhoon. At marami pang ibang tulad nila na may natatanging nagawa sa komunidad sa kabila ng kanilang mga kapansanan.
Dahil dito, ang PWDs ay hindi kailanman dapat pagkaitan ng karapatan at pribilehiyo na sadyang nakalaan sa kanila.