NI: Hannah L. Torregoza at Ben R. Rosario
Tinanggihan ng mga leader ng Senado ang mungkahing dapat na hiwalay ang pagboto ng Senado at Kamara sa pagtalakay sa hiling ni Pangulong Duterte na palawigin ng limang buwan ang batas militar sa Mindanao—na paksa ng special joint session sa Batasan Complex, ng lahat ng mambabatas, ngayong Sabado ng umaga.
Sinabi ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na hindi na dapat na magkaroon pa ng isyu ang joint session ng Senado at Kamara ngayong Sabado.
“We are senators. When the Constitution says (we must be) voting jointly then we follow. We are lawmakers, hence we should follow the Supreme law,” ani Pimentel.
Ito ang naging tugon ni Pimentel sa pahayag ni Sen. Panfilo Lacson na mistulang “irrelevant” na ang posisyon ng Senado sa usapin sa bicameral system kapag pinagsama ang mga boto ng mga mambabatas.
Sinegundahan pa nina Senators Richard Gordon at Joel Villanueva ang mungkahi sa hiwalay na pagboto.
Ngunit ayon kay Pimentel: “I never thought that was an issue. Anyway, if there are some senators who want to discuss the issue then we just have to find time to discuss it.”
Kinatigan naman nina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senate Majority Leader Vicente Sotto III si Pimentel.
Inaasahan nang aaprubahan ng mga mambabatas ang hiling ng Pangulo na palawigin ang martial law, bagamat may mga pagtutol sa pagpapairal nito sa susunod na limang buwan.
Napaulat na inaasahang dadalo sa special session ngayong Sabado ang 294 na kongresista at 22 sa 23 senador (maliban kay Sen. Leila de Lima), o may kabuuang 316 na mambabatas.