Ni: PNA
PUNTIRYA ni Rio Olympics veteran Nestor Colonia na makasungkit ng gintong medalya sa weightlifting event ng 29th Southeast Asian Games sa Agosto 19-20 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sasabak ang Team Philippines na hindi kasama ang matalik niyang kaibigan na si Rio Games silver medalist Hidilyn Diaz matapos alisin ang women’s event sa weightlifting kung kaya’t nakaatang sa balikat ng 25-anyo na pambato ng Zamboanga City ang pasanin para balikatin ang laban sa naturang sports.
“Syempre, gold medal ang target ko. Pero malakas ang mga kalaban ko dun (SEA Games). Parang hindi nga SEA Games ang pupuntahan ko, parang Olympics,” pahayag ni Colonia.
Mapapalaban ang enlisted member ng Philippine Air Force sa men’s 56 kg. category kung saan makakasagupa niya ang nakaribal sa 2016 Rio Summer Olympics na sina Sinphet Kruaithon ng Thailand at Tran Lê Quoc Toàn ng Vietnam. Nakopo ng Thai ang bronze medal sa Rio, habang tumapos sa ikalima ang Vietnamese.
Ito ang ikalawang pagkakataon ni Colonia na lumaban sa SEA Games mula nang mag-debut noong 2011 sa Palembang, Indonesia kung saan tumapos siya sa ikaapat. Gaganapin ang weightlifting competition sa Malaysia International Trade and Exhibit Center (MITEC) sa August 28-30.
Kulang man sa international exposure, nagpamalas ng kahandaan si Colonia nang pagwagihan ang 1st Hidilyn Diaz Weightlifting Open Championship nitong Hulyo 8-9 sa Meralco Fitness Center sa Ortigas.
Tangan ni Colonia, ginagabayan ng kanyang coach at uncle na si Gregorio Colonia (sumabak sa 1988 Seoul Olympics), ang gold medal sa 2015 Asian Weightlifting Championships sa Phuket, Thailand. Nakamit din niya ang bronze medal sa clean and jerk sa 2015 World Weightlifting Championships sa Houston, Texas at 2016 Asian Weightlifting Championships sa Tashkent, Uzbekistan.