Ni: Bella Gamotea
Aabot sa 264 na katao ang pinagdadampot ng mga pulis sa magkakahiwalay na “one time big time” (OTBT) operation sa ilang barangay sa Parañaque at Taguig City, nitong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., ang mga operasyon ay bahagi ng paghahanda sa nalalapit na ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Katuwang ang mga medical personnel, kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at 40 force multiplier mula sa Barangay Baclaran, Bgy. Tambo, Bgy. Don Galo at Bgy. Sto. Niño, nagsagawa ng operasyon ang 110 tauhan ng Parañaque City at inaresto ang 79 na katao, dakong 10:00 gabi.
Sa nasabing bilang, tatlo ang most wanted person, walo ang nahulihan ng ilegal na droga, tatlo ang naaktuhang nagsusugal, 16 ang nag-iinuman sa kalye, 15 ang nakahubad baro at 34 na kabataan ang nasagip.
Idiniretso naman sa impounding area ng Parañaque City Police ang 11 motorsiklo na pawalang walang kaukulang dokumento.
Sa Taguig, sinuyod naman ng 295 pulis ang Bgy. Maharlika (kangkongan) at aabot sa 185 katao ang dinampot, kabilang ang 62 menor de edad.
Sa nasabing operasyon, nalambat ang dalawang wanted sa batas, anim na nahuling nagsusugal, walong nakumpiskahan ng ipinagbabawal na gamot, 70 na nag-iinuman sa kalye, 36 na nakahubad baro at isang naninigarilyo sa pampublikong lugar.
Dinala naman sa DSWD ang 36 na bata na pakalat-kalat sa lansangan sa kabila ng ipinatutupad na curfew.
Aabot naman sa 26 na motorsiklo ang kinumpiska.