WASHINGTON (AFP) — Sinabi ng US State Department nitong Miyerkules na bumaba ang mga insidente ng global terror at bilang ng mga namatay nitong nakaraang taon, habang isa ang Pilipinas sa mga bansang madalas atakehin at bagong kanlungan ng mga terorista.
Sa kanyang taunang country-by-country assessment ng terorismo sa buong mundo, tinukoy ng department ang Islamic jihadist groups na Islamic State (ISIS), Al-Qaeda at Taliban na nangungunang mga salarin sa terror attacks.
Ngunit sinabi nito sa kabuuan ay bumaba ng 19 na porsiyento ang terorismo nitong nakaraang taon kumpara noong 2015, gayundin ang bilang ng mga namatay na bumaba ng 13%.
Mahigit kalahati ng mga pag-atake ay nangyari sa Iraq, Afghanistan, India, Pakistan at Pilipinas, sinabi ni department acting coordinator for counterterrorism Justin Siberell.
Kapansin-pansin ang mataas na insidente ng mga pag-atake at pagkamatay sa Iraq, Somalia at Turkey.
Sinabi sa ulat na ang common thread ng maraming terror attacks noong nakaraang taon ay ang “adherence to violent extremist ideology put forth by a fundamentalist strain of Sunni Islam that perceives itself to be under attack by the West and in conflict with other branches of Islam.”
Nakasaad din sa ulat na ang Iran “remained unwilling” na litisin ang matataas na opisyal ng Qaeda na idinetine nito.
“Since at least 2009, Iran has allowed Al-Qaeda facilitators to operate a core facilitation pipeline through the country, enabling Al-Qaeda to move funds and fighters to South Asia and Syria,” ayon dito.
Hindi nagbigay ng dahilan si Siberell sa pagbaba ng mga pag-atake, ngunit binanggit ang umiigting na pressure nitong nakaraang taon ng coalition forces sa grupong Islamic State sa mga kuta nito sa Syria at Iraq.
“Another feature of the terrorism landscape in 2016 -– and this is a continuation of what we saw in 2014 and 2015 –- is the exploitation by terrorist groups of ungoverned territory and conflict zones to establish safe havens from which to expand their reach,” ayon kay Siberell.
Matapos magpalawak ng teritoryo sa lungsod ng Sirte sa Libya noong nakaraang taon, naging “safe-haven environments” o kanlungan ng mga mandirigmang ISIS ang Somalia, Yemen, hilagang silangan ng Nigeria, ilang bahagi ng Sinai Peninsula, Afghanistan-Pakistan border regions at ilang lugar sa Pilipinas, nakasaad sa ulat.