Ni: Argyll Cyrus B. Geducos

Sinabi ng Malacañang na dapat ikonsidera ng United States sa kanilang imbestigasyon sa diumano’y extrajudicial killings sa kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyon ang lahat ng anggulo upang magkaroon ng factual conclusion.

Diringgin sa bipartisan caucus ng US House of Representatives ang epekto ng “war on drugs” sa mga karapatang pantao sa Pilipinas.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na iginagalang ng Palasyo ang mga pananaw ng Tom Lantos Human Rights Commission, at pinapahalagahan ang suportang ibinibigay ng US sa bansa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Gayunman, dapat isaalang-alang sa pagdinig ang problemang kinakaharap ng Pilipinas at ang mga isinagawang hakbang para matugunan ang mga suliraning ito.

“We also believe that the issues that are the focus of the Commission Hearing must also be discussed in the context of the scope of the challenge that we face and the actions that we are taking to address it,” ani Abella sa press briefing sa Palasyo kahapon ng umaga.

Ayon sa Palasyo, dapat bigyan ng US House of Representatives ang bansa ng pagkakataon na marinig ang kanyang panig.

“The universality of human rights presupposes due process be observed by all and as such, any proceedings that alleged wrongdoing should provide the opportunity for all sides to be considered,” ani Abella. “Insinuations and hasty judgments have no place in due process.”

Ayon pa kay Abella, ang drug war ni Pangulong Duterte ay “noble effort” dahil kinilala mismo ng mga eksperto sa buong mundo ang koneksiyon ng terorismo at krimen, partikular na ang “manufacture and trafficking of illicit drugs.”

Tetestigo sa pagdinig sina Ellecer Carlos, tagapagsalita ng human rights group na iDEFEND, Matthew Wells, senior crisis advisor ng Amnesty International, at Phelim Kine, deputy director ng Human Rights Watch’s Asia Division.

Ang Tom Lantos Human Rights Commission ay magkatuwang na pamumunuan nina Democrat Congressman James Patrick McGovern ng Massachusetts at Republican Congressman Randy Hultgren ng Illinois.