Ni ADOR SALUTA
SINAMPAHAN na ng kasong sexual assault ng Women’s and Children Protection Desk ng Mabolo Police, Cebu ang “Tawag ng Tanghalan” first grand champion na si Noven Belleza.
Ayon sa imbestigasyon, magkasama sina Noven at ang complainant sa isang condo bago nagtungo ang singer sa kanyang guesting sa concert ni Vice Ganda, ang Pusuan Mo si Vice Ganda sa Cebu last Saturday. Nagtiwala raw ang singer sa complainant na itinago sa pangalang “Ana” dahil dati nang magkakilala ang dalawa nang maging contestant din ng “Tawag ng Tanghalan” ang biktima.
The following day, Sunday, inaresto ng mga pulis ng Cebu si Noven pero nagreklamo si Noven ng paninikip ng dibdib at pagsakit ng tiyan kaya isinugod siya sa ospital, kaya doon na rin ginawa ang inquest proceedings.
Kasong sexual assualt o panghihipo sa maselang parte ng babae ang isinampa kay Noven.
Nakapagpiyansa ang singer ng P120,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan habang hinihintay ang pagdinig sa kaso.
Hindi pa nagbibigay ng detalyadong pahayag ang abogado ni Noven na si Atty. Lani Villarinotungkol sa kaso. Ang pahayag nito, “We are very much relieved because it is bailable. But then again, I’ll just reserve my answers regarding the case, because it is already in court.”
Ayon naman sa abogado ng complainant na si Atty. Fritz Lastimoso, malinaw na nilabag ni Noven ang expanded anti-rape law.
“May rape pa din na na-consummate. Under the expanded anti-rape law, rape pa din ito,” sabi nito.
Sa kabilang banda, naniniwala ang ama ni Noven na inosente ang kanyang anak.
Sa panayam sa TV Patrol last Wednesday, sinabi ni Reynaldo Belleza na kilala niya ang kanyang anak at alam ng marami ang kanilang buhay at hindi ito magagawa ni Noven. Hinala niya ay na-frame up lang ang anak niya. Ang kanyang payo sa anak ay magpakatatag ito.
Nag-release na rin ng statement ang ABS-CBN tungkol sa kinasangkutang kaso ng singer.
“Noven Belleza posted bail today in connection with the charge of sexual assault filed with the Regional Trial Court of Cebu City.
“Noven asserts he did not commit the crime charged and he will prove his innocence in the course of the legal proceedings,” ayon sa statement na ipinadala ni Kane Errol Choa, corporate communications head ng Dos.