MATAGAL nang inaasam na tuluyan nang matuldukan ang insidente ng Mamasapano noong Enero 15, 2015, makalipas ang maraming taon ng mga opisyal na pagsisiyasat ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation, bukod pa sa sariling imbestigasyon ng Senado at ng Kamara de Representantes.
Enero 2017 nang naghain ang Ombudsman ng mga kasong graft at usurpation of authority laban sa PNP chief nang mangyari ang pamamaslang sa 44 na operatiba ng Special Action Force (SAF), si Director General Alan Purisima; at sa hepe ng SAF, si Director Getulio Napeñas Jr. Nililitis na ngayon ang kaso sa Sandiganbayan Fourth Division.
Gayunman, naniniwala ng mga pamilya ng ilan sa 44 tauhan ng SAF na nasawi sa Mamasapano, na may mas opisyal na mas mataas sa dalawang taga-PNP na responsable sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay. Sa tulong ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), naghain sila ng mga bagong kaso, sa pagkakataong ito ay kabilang sa mga kinasuhan si dating Pangulong Benigno S. Aquino III.
Tinanggihan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang paghahain ng reckless imprudence resulting to multiple homicide, sinabing ang kapabayaan ng mga akusadong opisyal ay hindi ang “proximate cause” sa pagkamatay ng SAF 44. Ngunit may natukoy siyang basehan upang kasuhan si dating Pangulong Aquino ng “usurpation of authority” — sa ilalim ng Revised Penal Code, sa pagpapahintulot kay Purisima na gumanap sa mahalagang papel — sa katunayan ay pinangunahan nito ang operasyon ng SAF — bagamat alam naman ng noon ay Presidente na suspendido si Purisima dahil sa isang umano’y maanomalyang courier service deal sa mga lisensiya ng baril sa pagitan ng PNP at ng isang pribadong kumpanya.
Depensa ni Aquino, ginamit lamang niya si Purisima bilang “resource person” para maglahad ng mahahalagang impormasyon para sa Oplan Exodus. Ngunit sinabi ng Ombudsman na minanduhan ni Purisima si Director Napeñas, at hindi sana nangyari ang Oplan Exodus “were it not for the complicity and influence of President Aquino.”
Bukod sa kasong usurpation, sinampahan din si Aquino ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, na nagsasaad na ilegal para sa sinumang opisyal ng gobyerno ang himukin, sulsulan, o impluwensiyahan ang sinumang kapwa niya opisyal upang magsagawa ng paglabag sa batas.
Sa paghahain ng kaso laban kay Pangulong Aquino, nagpapatuloy ang hindi magandang serye ng paghahain ng mga kaso laban sa mga dating pangulo ng bansa matapos na bumaba sa puwesto ang mga ito. Kinasuhan ng plunder si Pangulong Joseph Estrada noong 2001 at nahatulan noong 2007, ngunit binigyan ng pardon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Kinasuhan din ng plunder ang huli noong 2012, ngunit pinawalang-sala ng Korte Suprema noong Abril 2017.
Kapwa nakabawi sina Pangulong Estrada at Pangulong Arroyo mula sa mga karanasang ito, inihalal si Estrada bilang alkalde ng Maynila, gayundin si Arroyo bilang kongresista naman ng Pampanga. At ngayon, may isa na naman tayong presidente — si Aquino—na nasa balag ngayon ng alanganin, at nahaharap sa mga kaso ng usurpation at graft.
Walang paghatol sa merito ng mga kasong ito, mariin nating tinututulan ang katotohanang sa nakalipas na 16 na taon, pinagdaanan ng ating mga pangulo ang nakapanlulumong karanasan na malitis at makulong, at posibleng dumaan sa kaparehong sitwasyon ang isa pa. May mga sangkot na usaping legal ngunit mayroon din namang ilang konsiderasyong pulitikal na inaasam nating mabawasan na sa mga susunod na taon.