Ni: Lyka Manalo
BATANGAS CITY - Dead on arrival sa pagamutan ang isang 37 anyos na lalaki matapos umanong barilin ng nakababatang kapatid nito sa Batangas City.
Kinilala ang biktimang si Mario Perez, ng Barangay Sto. Niño, sa lungsod, na hindi na umabot nang buhay sa Batangas Medical Center.
Nakatakas naman ang suspek na si Juan Perez, 36 anyos.
Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), dakong 7:00 ng gabi nitong Miyerkules nang magtalo ang magkapatid na humantong sa pamamaril ni Juan kay Mario.
Pinaghahahanap pa ng mga awtoridad ang suspek, habang inaalam pa ang dahilan ng away ng magkapatid.