Ni: PNA

BUMUO ng alyansa ang mga lokal na opisyal ng mga baybayin sa Bulacan at Pampanga, katuwang ang iba’t ibang institusyon, para tugunan ang pagbabaha at pagtaas ng karagatan na dulot ng mapaminsalang epekto ng climate change at global warming.

Sinabi ni Malolos City Mayor Christian Natividad, na naluklok na pinuno ng technical working group ng bagong grupo na Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng Bulacan at Pampanga (ABB-BP), na naiintindihan ng mga lokal na opisyal ang importansiya ng pamamahala sa coastal resources at paghahanda sa panahon ng kalamidad sa kani-kanilang komunidad.

“All the parties recognize the danger and hazards brought by frequent upstream flooding and other calamities experienced by their respective LGUs,” pahayag ni Natividad.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ipinaliwanag niya na ang pangunahing tungkulin ng technical working group ay ang magplano ng short, medium at long term na mga solusyon na aangkop sa kanilang lugar na saklaw ng misyon ng alyansa, partikular ang pag-uulat sa mga sumusunod na suliranin – tidal flooding at fluvial flooding, polusyon sa tubig, pangangasiwa sa coastal resources, paghahanda sa sakuna, at pamamahala sa iba pang socio-economic development-related projects.

“There is a need for a joint response and action for an effective solution to the flooding problem in our respective towns. One example is the dredging of the river. It must be done simultaneously and there should be an appropriate plan. The efforts and funding of one town in dredging the river will go to waste if the neighboring areas will not conduct the same,” ani Natividad.

Dagdag pa niya, nagpaplano rin ng malawakang pagtatanim ng bakawan ang alyansa sa baybayin ng kanlurang Luzon, mula sa La Union hanggang sa Cavite.

“It’s a Herculean task but it can be done,” aniya, at sinabing aayuda sa technical working group ang mga eksperto sa dike mula sa University of Delft sa The Netherlands.

Ang alyansa ay binubuo ng pamahalaang lungsod ng Malolos, na kinakatawan ni Mayor Natividad; ng Bulakan, sa pamumuno ni Mayor Patrick Meneses; ng Calumpit, sa pangunguna ni Mayor Jessie De Jesus; ng Hagonoy, sa pamumuno ni Mayor Raulito Manlapaz, Sr.; ng Paombong, sa pangunguna ni Maryanne Marcos; ng Obando, sa pamumuno ni Mayor Edwin Santos; ng Macabebe, Pampanga sa pangunguna ni Mayor Annete Balgan; ng Masantol, sa pangunguna ni Danilo Guintu; ni Dr. Francisco A. Magno, director ng Jesse Robredo Institute of Governance ng De La Salle University; at ni Engineer Angel Cruz, kinatawan ng pribadong sektor.